GMA magsesenador?

MATAPOS ang barangay at Sangguniang Kabataan elections noong Mayo 14, ang paghahandaan naman ng Commission on Elections ay ang midterm election sa 2019 na gagawin sa Mayo 13 (ayon sa Konstitusyon ay ikalawang Lunes ng Mayo).

Gaya noong 2010 at 2016, maaga ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga tatakbo dahil automated ang eleksyon.

Sa Oktubre na ang paghahain ng CoC kaya ngayon pa lang ay marami na ang abala sa pagbuo ng grupo at pagsasama-sama ng mga magsasanib-puwersa. Kanya-kanyang buo ng alyansa.

Busy na rin ang mga matatalino sa pag-isip kung paano ipapanalo ang kanilang mga kandidato.

May mga nagpapa-survey na para malaman kung may tiyansa ba silang manalo sa inaasintang posisyon o hahanap ng ibang matatakbuhan kung saan sila sure winner.

Nagmamasid din ang publiko sa mga kaganapan sa Kamara de Representantes bukod kasi kina Davao City Rep. Karlo Nograles at Negros Occidental Rep. Albee Benitez ay mayroon pang iba na maaaring tumakbo sa pagkasenador.

Ano nga raw ba ang plano ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo?

Nasa ikatlo at huling termino na si Arroyo ngayon kaya marami ang natatanong kung siya ba ay tatakbong gubernador ng Pampanga o magpapahinga na?

O baka naman daw tumakbong senador. Bago naging Pangulo at Bise Presidente, si Arroyo ay isang senador.

E si House Majority Leader Rodolfo Farinas ng Ilocos Norte, ano raw kaya ang plano? Nasa third term na rin siya.

Si Quezon City Rep. Sonny Belmonte, na dating speaker, ano kaya ang gagawin?

May nasipat akong bagong tarpaulin sa lansangan ng San Mateo, Rizal.

Ang sabi sa tarpaulin “Hihilahin, hahatakin at ika-clamp ang lahat ng uri ng sasakyan na ilegal na nakaparada sa kalsada”.

Tanong ng isang nagdadaan, kasama raw ba sa hahatakin ang mga sasakyan sa tapat ng himpilan ng pulisya na nasa compound ng munisipyo?

Madalas daw kasing nakaparada sa gilid ng kalsada ng mobile patrol ng pulis kaya hindi madaanan nang maayos ang sidewalk.

Idamay na rin daw ang mga dump truck na ipinaparada sa gilid ng kalsada habang ang mga driver at pahinante ay kumakain sa tabi. Kahit pa sabihin na gabi na, abala pa rin sila sa ibang motorista lalo na kung pumaparada sila malapit sa intersection.

May humabol pa ng tanong, magkano raw kaya ang kinikita ng munisipyo sa mga dumaraang dump truck na siyang pangunahing sumisira sa kalsada? Baka raw mas malaki pa yung gastos sa pagpapagawa ng kalsada kaysa sa binabayaran ng mga ito sa gobyerno.

Read more...