BILANG pagbabalik-tanaw sa nangyaring giyera sa pagitan ng mga terorista at sundalo sa Marawi City noong Mayo 23, 2017 ay gumawa ng pelikula ang dating ABS-CBN news reporter na si Ceasar Soriano na may titulong “Ang Misyon: A Marawi Siege Story” na siya rin ang producer at distributed naman ito ng Star Cinema.
Sabi ni direk Ceasar, tribute niya ito para sa mga naging bayani at biktima ng giyera sa Marawi. Napanood na namin ito sa ginanap na advanced screening sa Dolphy Theater na dinaluhan ng mga sundalo at ni AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez.
Si Martin Escudero ang bida sa pelikula, isang nurse sa pampublikong hospital sa Marawi. Ani direk Ceasar pangatlong choice na ang aktor dahil ang naunang dalawa ay hindi pumuwede ang schedule.
“Actually, third choice si Martin. Hindi kami magkakaila, somebody recommended, ‘Why not try Martin?’” sabi ni direk Ceasar.
At nang gumiling na ang kamera ay humanga nang husto ang direktor kay Martin, “Nakita ko ang galing. Ito lang ang sasabihin ko, para sa akin, siya na pinakamagaling na aktor sa movie industry natin.”
Oo nga, mahusay ang pagkakaganap ni Martin bilang si Sahjid Tumawil na pati tono ng pananalita bilang Muslim ay kuhang-kuha niya dahil talagang inaral niya ito.
“May mga kaibigan din po kasi akong Muslim kaya maski paano ay may ideya na ako paano sila magsalita at ‘yung kultura nila. Tapos habang ginagawa po namin itong pelikula, tinutukan din ako ng mga Kapatid nating Muslim kaya nagpapasalamat ako sa kanilang lahat,” pahayag ni Martin sa presscon pagkatapos ng screening ng “A Marawi Siege Story” na showing na ngayong araw.
Natanong si direk Ceasar kung may immersion na nangyari sa kanya sa Marawi para malaman lahat ng mga naging kaganapan sa pagitan ng mga bandido at militar.
At nabanggit na nga ng direktor na noong reporter pa siya sa ABS-CBN ay nakidnap siya habang nagko-cover sa pagdukot ng mga Abu Sayyaf sa Amerikanong misyonaryo na si Charles Watson noong 1993 sa Mindanao.
Kuwento ni direk Ceasar, “Kailangang ma-release si Charles Watson pero ang nangyari, pumunta si dating Vice President Joseph Estrada sa Mindanao para i-solve ‘yung crisis, (then) he declared a news blackout.
“As a reporter, napakasakit po, ayaw namin ng news blackout because my quota kami everyday na istorya. So anong gagawin namin? Wala kaming istorya, wala kaming kuwentang reporter. At that time, I was so young and when you’re young, you’re very aggressive. Gusto mo i-please ‘yung boss mo.
“Hinanap namin ‘yung Abu Sayyaf, hinanap namin ‘yung kumidnap, dumating kami sa Patikul, Sulu. Hayun nasalubong namin sila at doon na nila ako sinaktan, sinipa-sipa at hindi na kami pinauwi.
“Ang akala ko sa matagal na panahong nandoon kami, akala ko pupugutan na kami ng ulo, sumulat na ako ng letter sa mother ko. Pero umubra yung strategy namin. Sinabihan ko ‘yung Abu Sayyaf, ‘sinong magko-cover nito? Kung i-release ‘yung Amerikano, sayang naman, di ba gusto ninyong ma-televise? Kaya nagkaroon sila ng idea at ni-release kami may coverage sila.”
Samantala, ang “A Marawi Siege Story” ang unang sabak niya sa pagdidirek at hopefully masundan pa.