FIBA pinatawan ng 18-month suspension si Ravena
SINUSPINDE ng international basketball federation na FIBA ang manlalaro ng Gilas Pilipinas na si Kiefer Ravena matapos itong bumagsak sa isinagawang random drug test matapos ang paglalaro nito kontra Japan sa ginaganap na 2019 FIBA World Cup qualifier.
Pinatawan ng kabuuang 18 buwang suspensyon ng FIBA si Ravena matapos na makitaan ng tatlong prohibited substances o banned drugs na nasa listahan ng World Anti-Doping Agency ang kinuha na samples sa isa sa pangunahing manlalaro ng Gilas Pilipinas.
Una sanang maglalaro si Ravena sa Iloilo City para sa PBA All-Star kung saan makakaharap ng National Team ang Visayas selection noong Linggo bago na lamang ito agad na ipinatawag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na dahilan upang bumalik agad sa Maynila.
Aminado naman si Ravena sa malaking pagkakamali na pag-inom ng nabibili lamang sa mga tindahan na energy drink sa isinagawang press conference kasama sina Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, SBC Chairman Emeritus Manny Pangilinan, SBP executive director Sonny Barrios at PBA chairman-POC president Ricky Vargas.
Umaasa naman si Ravena kung papayagan ito ng FIBA na makapaglaro sa kinaaanibang propesyonal na koponan na NLEX Road Warriors sa Philippine Basketball Association (PBA) habang pinagsisilbihan ang hindi paglalaro sa mga internasyonal na torneo.
Tinukoy naman ni Panlilio ang ininom ni Ravena na produkto na nagngangalang DUST bago ang laro nito kontra Japan kung saan nagwagi ang Pilipinas.
“My sincere apologies po sa lahat. Minsan po talaga mapaglaro ang buhay. But I take full responsibility for my action of not thinking over the consequences of taking energy drinks,” sabi ni Ravena.
“However, I will face the consequence and make this as an advocacy and for me to be an instrument against these banned drugs.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.