BUKOD sa kanyang bonggang lovelife, maswerte rin sa negosyo ang Kapuso actress na si Kris Bernal.
May panibago na naman kasing business venture na papasukin si Kris – from her burger store na MeatKris, isang restaurant na ang ilo-launch niya very soon at ngayon pa lang ay super excited na siya sa kanyang bagong “baby”.
Para sa hindi pa nakakaalam business partner din ng aktres ang kanyang boyfriend na si Perry Choi. Ito raw ang nagturo sa kanya na magluto at kung paano magpatakbo ng isang resto business.
Si Perry din ang kasosyo ng dalaga sa bago niyang Korean resto na magbubukas na nga next month. Sey ni Kris, “Chef kasi siya. At sa kanya ko rin kinukuha ng lahat ng raw materials ko, yes, siya ang aking supplier kaya alam kong quality lahat ng ginagamit namin.”
Ayon pa sa Kapuso leading lady, walong buwan pa lang silang magkarelasyon ni Perry pero marami na raw siyang natututunan sa binata, hindi lang tungkol sa buhay-buhay kundi pati na rin sa larangan ng business.
Lalong wala pa rin daw silang balak magkapakasal, pero sey ni Kris, umaasa at ipinagdarasal niya na sana’y si Perry na nga ang kanyang “forever”, “Hindi naman kasi ako nakikipagrelasyon ng hindi long-term, e. Siyempre, kapag nakipag-commit ka sa isang tao, ipinagpe-pray mo na kayo na talaga.”
Samantala, muli na namang masusubok ang husay ni Kris sa pag-arte dahil mapapanood na rin siya sa pinag-uusapang primetime series ng GMA na The Cure kasama ang mahusay ding aktor na si Matt Evans.
Siguradong mas magpapabilis ng tibok ng inyong puso ang mga gagawing eksena nina Kris at Matt bilang mga bagong karakter sa The Cure? Mabiktima rin kaya sila ng killer virus o sila na ang makakatulong kina Charity (Jennylyn Mercado) at Greg (Tom Rodriguez)?
Tutukan ang mas lalo pang umiinit na kuwento ng The Cure gabi-gabi sa GMA Telebabad after 24 Oras. Kasama pa rin dito sina Jaclyn Jose, Mark Herras, Jay Manalo, LJ Reyes, Ken Chan at marami pang iba.