Sunshine: Masakit sa akin na sabihan ang mga anak ko na ‘dugo kayo ng magnanakaw!’


GAGAWIN ni Sunshine Cruz ang lahat para maprotektahan ang kanyang mga anak laban sa mga taong walang ginawa sa social media kundi ang manira ng buhay.

Kamakailan ay nag-post ng mahabang mensahe ang aktres sa kanyang Facebook account para ipagtanggol ang kanyang mga anak sa mga netizens na galit na galit at bumabatikos sa kanyang estranged husband na si Cesar Montano.

Ito’y may koneksyon pa rin sa kinasasangkutang kontrobersya ng aktor tungkol sa Buhay Carinderia project ng Tourism Promotions Board na kanyang pinamumunuan noon. Nag-resign na si Buboy sa kanyang posisyon.

Ayon kay Sunshine, mapalalagpas niya kung siya lang ang tinitira ng mga bashers at haters ni Cesar, “Sabi ko nga, kung ako lang okay lang pero pagdating sa mga anak natin medyo pumipitik tayo.”

May tatlo silang anak ni Cesar, sina Angelina Isabelle, Samantha Angeline at Angel Francheska.

“I just have people let to know na ultimo pagkain, damit, kotse ng anak ko, ako naman ang nag-provide para sa kanila,” ang pahayag pa ni Sunshine sa isang panayam.

Pagpapatuloy pa ng nakahiwalay na misis ni Buboy, “Kasi yung mga anak ko may controversy na naramdaman, sabi ko ‘anak there’s nothing to be ashamed of, you know it’s mom who buys, food, clothes and even your car.’

“Sabi ko pa sa kanila ‘let’s just pray for him, he’s your father.’ Kaya masakit lang talaga sa akin na yung mga anak ko nasasabihan ng mga ‘Dugo kayo ng magnanakaw.’ They don’t deserve that, masakit ‘yun,” ayon pa kay Shine.

Nagpaliwanag din si Sunshine tungkol sa ipinost niyang mensahe sa Facebook para sa lahat ng bahsers, “Kaunting explanation lang yun, actually it’s a private post for my friends and family lang eh, pero siyempre na pick up na din kasi. Minsan kailangan ilabas natin kasi masakit sa akin bilang ina talaga.”

At tulad ni Sunshine, affected din ang aktres na si Teresa Loyzaga sa pambu-bully ng mga netizen sa anak nila ni Cesar na si Diego Loyzaga.

“Plano naming magkita ni Teresa, kasi nasasaktan din siya. Ganu’n naman talaga kapag may mga controversial na issues (ang magulang) damay pati anak, si Diego damay din. Mga anak ko damay din, masakit talaga para sa isang ina. In all fairness to Diego napakabait niyang bata,” ang chika pa ni Sunshine.

Read more...