James Blanco best actor sa pagiging adik at pabayang ama


MAGKAKAROON kami ng utang sa aming sarili kapag hindi namin isinulat ang napakahusay na pagganap ni James Blanco sa Maalaala Mo Kaya nu’ng nakaraang Sabado.

Paminsan-minsan na lang naming napapanood ngayon ang dating bagets actor, pero kapag tumatanggap naman siya ng proyekto sa telebisyon ay sulit na sulit ang aming paghihintay-panonood, hindi kinakalawang ang husay sa pag-arte ng guwapong aktor.

Ginampanan niya ang papel ng isang iresponsableng asawa at ama dahil sa pagkalulong sa droga. Ilang ulit na siyang bagsak-bangon, ilang beses na siyang nangako sa kanyang pamilya na magbabago na siya, pero palaging napapako lang ang kanyang mga pangako.

Itinawid ni James Blanco ang maselang paksa nang napakanatural. Sa biglang tingin, dahil napakahusay nga niyang umarte, ay maiisip mo na dumaan din siya sa pagdodroga kahit pa napakalinis ng kanyang dugo.

Ang kilos ng isang gumon sa shabu, ang kapal ng mukha ng isang taong pala-ging nangangailangan ng pera bilang pangtustos sa kanyang bisyo, lahat ng ‘yun ay naiarte ni James Blanco nang kapani-paniwala.

Ang dami-daming nag-text tumawag sa amin para purihin si James, klarung-klaro kasi sa istorya ang pagkasira pati ng pagdedesis-yon ng isang taong hawak sa leeg ng ipinagbabawal na gamot, si James Blanco ang nagtawid nu’n sa publiko.

Gusto lang naming idagdag na hindi sapat na paglalarawan kay James Blanco ang pagiging magaling at sensitibong anak ng sining. Sa likod ng mga camera ay mabuti siyang tao.

Mapagpahalaga sa kanyang kapwa, respon-sableng asawa at ama, ‘yun ang mga katangiang meron si James Blanco.

Sabi sa kuwento, kapag pinagsikapan ng mismong may katawan ang pagbabago ay walang imposible, tao lang ang bumibili sa droga. Hindi niya dapat ibenta ang kanyang kaluluwa at pagkatao sa mapamuksang ipinagbabawal na gamot.

Read more...