‘Panahon ng Halimaw’ nina Lav Diaz at Piolo ‘Pinoy acapella-rock musical’ na may twist


PAGKATAPOS humakot ng parangal at tumanggap ng papuri sa iba’t ibang bansa, mapapanood na rin ng mga Pinoy ang bagong obra ni Lav Diaz – “Ang Panahon ng Halimaw (Season of the Devil).”

Pinangungunahan nina Piolo Pascual, Shaina Magdayao, Angel Aquino at Pinky Amador, ang pelikula ay isa sa mga nominado para sa Golden Bear award sa 68th Berlin International Film Festival na gaganapin sa Germany.

Nakamit din nito ang Best Film sa Gems section ng 58th Festival Internacional de Cine Cartagena de Indias nitong Marso. Mapapanood na ito sa mga piling Ayala Cinemas sa Manila at Cebu simula sa May 30, 2018.

Nakatanggap din ang “Halimaw” ng magandang review sa Hollywood website na Variety para sa direktor at tema nito. Ayon sa website, si Lav Diaz ay “emphatically his own artist, whether to exhilarating or punishing effect,” at ang pelikula ay may “raw, stirring interludes.”

Napahanga rin ng pelikula ang mga banyagang manunulat at film critics, “It’s visually that Season of the Devil ranks among Diaz’s best work,” sulat ni Clarence Tsui ng The Hollywood Reporter. Hinirang naman ni Peter Bradshaw ng The Guardian si Direk Lav na isang tunay na artist. Aniya, “Every millisecond of his film has been rigorously created.”

Ayon kay Desistfilm writer Aldo Padilla, si Lav Diaz daw ay isa sa pinakamalayang sikat na filmmaker ng ating panahon. “Diaz remains emphatically his own artist, whether to exhilarating or punishing effect,” ang sabi naman ni Guy Lodge sa Variety, habang si Jonathan Romney ng Screen Daily ay tinawag itong “A film of boldness and considerable beauty.”

Dahil sa magandang pagtanggap ng pelikulang ito sa ibang bansa, kasama na ang mga parangal na nakuha nito, dapat lang na mapanood din ito ng mga Pilipino. Kasama ng “Ang Panahon Ng Halimaw” ang suporta ng Globe Telecom at ng kanilang #PlayItRight advocacy.

Ang #PlayItRight ay isang kampanya na nagbibigay ng suporta sa local films at ito ay nananawagan para sa tama at legal na panonood ng mga pelikula sa sinehan para matigilan ang film piracy sa bansa.
Ang layunin nito ay mabigyan ng halaga ang mga producer, direktor, aktor, at mga crew na naguukol ng pondo, panahon at pagod upang mabuo ang kanilang pelikula.

Ayon kay Quark Henares, Globe Studios Head, mahalagang suportahan ang industriya ng pelikula, lalo na ang mga gawa ng mga independent film producer na karaniwan ay hindi nabibigyan ng mga show date sa mga malalaking sinehan.

Aniya, “We continue to promote #PlayItRight by supporting this groundbreaking film by watching it in the movie theaters. It is important that we all support our local indie directors and movies because they create works that are truly world-class and deserving of a local and international audience.

“We have a rich and diverse group of local actors, artists, and filmmakers dedicated to creating stories and narratives that appeal to not just the soul of the modern Filipino, but to their sense of national pride,” sabi pa ni direk Quark.

q q q
Nabigyan kami ng pagkakataon na mapanood ang historial-musical-drama na “Ang Panahon Ng Halimaw” sa special celebrity screening kamakailan (sa imbitasyon ng Globe Studios) na ginanap sa Glorietta Cinema.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagkatrabaho sina Direk Lav at Piolo, una nilang ginawa ang pelikulang “Hele sa Hiwagang Hapis” noong 2016 kasama si John Lloyd Cruz. At tulad ng “Hele” black and white pa rin ang “Halimaw” kaya ramdam na ramdam mo ang bawat eksena na nangyari noong panahon ng Martial Law.

Kung walong oras tumagal ang “Hele”, apat na oras lang ang “Halimaw” at matatawag na isang all-acapella, rock musical film. Tungkol ito sa aktibista, manunulat at gurong si Hugo (Piolo) na naghahanap sa kanyang asawang si Lorena (Shaina) na isa namang doktor na bigla na lang nawala habang nasa medical mission.

“It’s timely sa nangyayari sa paligid natin. The topic is kind of sensitive politically, pero as a filmmaker, as an artist, it’s our job to give justice to what’s given us,” ayon kay PJ sa isang panayam.

Dugtong pa niya, “Napakaganda ng lines ni Direk Lav, napakaganda ng mga tono niya, napakasakit, napakabigat, kaya nakakahiya kapag hindi mo inayos, hindi mo ginalingan.”

Kasama rin dito sina Bituin Escalante, Hazel Orencio, Joel Saracho, Bart Guingona at marami pang iba.

Read more...