KUNG paniniwalaan ang mga kuwentong lumulutang ngayon tungkol sa dating magkarelasyong personalidad ay may katwiran naman palang magalit nang todo ang aktres sa dati niyang karelasyong aktor.
Pinalalampas na kuno ng babae ang mga ginagawa ng aktor, pero ang pinakamatindi, sinabi diumano nito sa isang kaibigan nila ng aktres na tawasin man ito nang maraming beses ngayon ay ayaw na talaga nitong makatrabaho ang kanyang ex.
“Napakasakit naman nu’n, kung totoo nga! Para diretsong sabihin ng guy na ayaw na ayaw na niyang makasama sa kahit anong trabaho ang ex niya, e, sobrang sakit nu’n para sa girl!
“Kung sana nga, e, hindi na iikot ang mundo nu’ng babae kapag wala na siya, kasi, sa tagal na ng panahong hiwalay sila, e, napatunayan naman ng girl na kaya niyang mabuhay at sumikat nang wala ang lalaking ‘yun!
“Sobrang taas naman kasi ng tingin ng lalaking ‘yun sa sarili niya! Ano ito, lokohan? Na kapag hindi na sila nagkasama ng girl sa kahit anong project, e, malalaos na ang babae?
“Mahiya naman sana siya! Kung anu-ano pa ang sinasabi niya, e, siya nga itong nangangailangan ng tungkod para sa career niya!” simulang kuwento ng aming source.
Mas mamatamisin pa kuno ng male personality na makasama sa mga eksena ang isa pa nitong dating karelasyon. Mas kumportable raw ang aktor, kumpara sa kung sila ng sinasabi nitong aktres ang magkakasama, may ganu’n pang istorya.
“Wow naman! Talagang ang lakas ng dating ng lalaking ‘yun, ha? Bakit, gaano man siya ka-sure na gustung-gusto rin siyang makasama ng girl na tinatanggihan niya?
“Tantanan na niya ang mga kuda, ang totoo, e, napahiya siya dahil hindi niya nakuha ang hinihingi niyang talent fee na towering!
“Wala siyang choice kundi ang sabihin na ayaw na talaga niyang makasama ‘yung girl na nabuwisit na rin sa kanya, kaya mas ayaw nu’n na makatrabaho pa siya uli!” madiing sabi pa ng impormante.
Naku, Bradly Guevarra, siguradong apektado ka sa kuwentong ito, love na love mo pa naman ang aktres na inaayawan sa kuwento ng kanyang ex! Ano sa palagay n’yo, Tita Nene Ulanday?