Harden, Paul binuhat ang Rockets kontra Warriors sa Game 4


OAKLAND, California — Umiskor ng 30 puntos si James Harden at nagdagdag naman ng 27 puntos si Chris Paul para pamunuan ang 95-92 panalo ng Houston Rockets laban sa Golden State Warriors kahapon sa Game Four ng NBA Western Conference finals.

Tabla na ang kanilang best-of-seven series sa tigalawang panalo.

Nakuha ng Rockets ang panalo kahapon sa kabila ng “second-half flurry” mula kay Stephen Curry na nagtapos na may 28 puntos kahapon.

Sa third quarter ng Game Three ay nakapagbuslo si Curry ng pitong diretsong tira at nagtapos na may 30 puntos sa 126-85 panalo ng Golden State.

Kahapon ay tumikada siya 11 diretsong puntos sa third period si Curry pero sa pagkakataong ito ay nakabawi ang Rockets sa huling quarter para maitabla ang serye at mabawi ang homecourt advantage.

Nag-ambag naman si Kevin Durant ng 27 puntos at 12 rebounds para sa defending champion Warriors na nagmintis sa kanilang huling anim na tira kahapon.

Naputol din sa 16 ang hawak nilang NBA postseason home winning streak record.

Nag-ambag naman ng walong puntos at 13 rebounds si Clint Capela habang si PJ Tucker ay may apat na puntos at 16 rebounds para sa Rockets.

Read more...