Kapilya nakidlatan: 11 sugatan

NAGTAMO ng pinsala ang 11 katao, karamiha’y menor de edad, nang tamaan ng kidlat ang isang kapilya sa Bago City, Negros Occidental, Martes ng hapon, ayon sa pulisya.

Nagtamo ng “minor injuries” at dumanas ng pamamanhid sa iba-ibang bahagi ng katawan sina Mary Ann Bernasol, 29; Jelie Belen, 17; Rosie Chu, 42; Maricar Amar, 17; Aiper Louwyn Escara, 17; Andrea Rose Garcenila, 5; Mark Kevin Cubos, 6; MJ Amar, 15; Joanna Escara,3; Ritchie Mancia, 27; at Mary Jane Bernasol, 9, sabi ni Supt. Joem Malong, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.

Naganap ang insidente sa Purok Pandan, Brgy. Ma-ao, dakong alas-2:30.
Dumadalo sa seminar para sa Flores de Mayo sa loob ng chapel ng purok ang 11 katao, nang tamaan ng kidlat ang istruktura, ani Malong, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.

Itinakbo ng mga rescuer ng lungsod at barangay ang 11 sa Bago City Hospital para malapatan ng lunas, aniya.

Read more...