ISIS sleeper cells nagkalat sa bansa –Army chief

NAKAKALAT  sa iba-ibang bahagi ng bansa, di lang sa Mindanao, ang mga “sleeper cell” ng teroristang grupong Islamic State, sabi ni ‎Army chief Lt. Gen. Rolando Bautista, Martes.
Ayon kay Bautista, napag-alaman ng militar ang kung saan-saan mayroong mga sleeper cell noong kasagsagan ng Marawi Siege, na pinamunuan ni Isnilon Hapilon, ang itinuring na lider ng ISIS sa Timog-Silangang Asya.
“Na-discover namin sa Marawi campaign na merong ISIS sleeper cells not only in Mindanao, but also in Luzon and Visayas… makikita mo meron sa Baguio, meron sa Dagupan, meron sa Tarlac, Pangasinan, sa Visayas naman meron sa Samar, meron sa Cebu and so forth,” sabi ni Bautista sa mga reporter.
Ayon sa opisyal, bagamat nagapi ang malaking bilang ng mga terorista sa Marawi ay maaari pa ring pakilusin ng ISIS ang mga sleeper cell para maghasik ng lagim sa ibang bahagi ng bansa.
“Kung mag-orchestrate uli sila ng sinasabi nating terrorist activities, it might be in the form of lone wolf, ‘pag inactivate ‘yun puwedeng sabay-sabay silang mag-create ng terrorist activities,” aniya.
“For example one or two, mag-conduct sila ng explosion sa isang area and ‘yung sa Cebu assassination, liquidation. That will create a big impact although two or three persons lang ang gumagawa, ‘yun yung most probable na strategy nila in the meantime.”
Kasabay nito, inihayag ng Army chief na  may namo-monitor pa rin silang pagre-recruit ng ilang grupong impluwensiyado ng ISIS.
“‘Yung fragments ng mga ISIS-influenced [groups] are still recruiting kasi alam natin na although ‘yung Maute-ISIS group have been reduced in terms of strength and capability, meron tayong Abu Sayyaf group, meron tayong BIFF, meron tayong Khilafa Islamiyah Mindanao,” aniya.
Sa kabila nito, naniniwala ang militar na ilang taon pa ang kakailanganin upang muling makapaglunsad ang mga terorista ng pag-atakeng sinlaki ng ginawa sa Marawi.
“Kung nagawa nila ‘yun sa Marawi, then chances are, puwede din nilang magawa. But ang assessment namin, it will take more or less three to five years bago nila maulit,” ani Bautista.

Read more...