LINGAYEN, Pangasinan —Nagpakita ng gilas ang magkapatid na Cariño sa ikatlong leg ng 2018 Le Tour de Filipinas Martes ng hapon.
Nakuha ni El Joshua ng Philippine Navy-Standard Insurance ang titulo sa naturang stage habang pumangalawa naman ang kapatid nitong si Daniel Ven ng 7-Eleven Cliqq RoadBike Philippines.
Kumawala sa malaking grupo ng siklista ang magkapatid sa Sta. Barbara, 30 kilometro mula sa finish line, bago nagtagisan sa isang sprint finish malapit sa Pangasinan Provincial Capitol.
Kinumpleto ni El Joshua ang 85.20-km stage na nagsimula sa Bambang, Nueva Vizcaya sa loob ng apat na oras, 28 minuto at 56 segundo.
Dahil sa panalo ay naagaw ng 25-anyos na si El Joshua sa kakampi niyang si Ronald Oranza ang overall lead ng karerang suportado ng Air21, Cignal at Cargohaus Inc. sa aggregate time na 8:17:23.
Pumapangalawa naman ang 19-anyos na si Daniel Ven na may apat na segundo sa likod ng kanyang kuya.
Inalat sa stage 3 ang stage 2 winner na si Oranza at nagtapos lamang sa ika-15 puwesto nitong Martes. Bumagsak siya sa pangatlong puwesto sa overall standings papasok sa huling leg ng karera na isang madugong akyatan papuntang Baguio City na may distansiyang 154.65 kilometro.
Nasa pang-apat na puwesto si Mervin Corpuz ng Philippine Team at panglima ang green jersey holder at nangunguna sa sprint race na si Jan Paul Morales ng Navy.
Nasa pang-anim na puwesto naman ang Koreanong si Jung Hajeon of Uijeaongbu Cycling Team na may total time na total time of 8:19:11.