MALDITANG sirena ang karakter ni Ria Atayde sa bagong season ng Wansapanataym, ang OFishcially Yours na nagsimula na nitong nagdaang Linggo na pinagbibidahan ni Elisse Joson at ng Boyband PH.
Ayon kay Ria, dream come true ang pagganap niya bilang sirena sa Wansapanataym kaya naman todo ang pasasalamat niya sa Dreamscape Entertainment na nagbigay sa kanya ng chance lumangoy bilang mermaid.
Sa kuwento, galit na galit si Ria sa mga tagalupa na nagkakalat ng basura sa dagat pero ayaw niyang tumulong sa paglilinis ng karagatan.
Kaya nang utusan siya ng Hari ng Karagatan na ginagampanan ni Jeric Raval ay gigil na gigil siya, bakit daw pati siya ay nadamay sa advocacy ng prinsesang sirenang si Sammy Rimando na nagpanggap na tao para makapaglinis ng paligid ng dagat.
Kalaban naman ng mga sirena ang karakter ni Elisse Joson na si Stella dahil mahilig siyang magkalat at mahilig mang-away kaya pati nanay niya na ginagampanan ni Janice de Belen ay sumusuko sa ugali niya.
Ito ang unang beses na napanood naming umarte ang Boyband PH na kinabibilangan nina Joao Constancia, Niel Murillo, Tristan Ramirez, Russell Reyes at Ford Valencia.
Gustung-gusto ni Joao si Elisse noong mga bata pa sila, ngunit hindi siya type ng dalaga. Sa katunayan pinandidirihan siya nito dahil sa kanyang jologs na itsura.
Pero kahit na nga gumuwapo na at sumikat dahil sa kanilang boyband ay hindi pa rin naging maganda ang pakikitungo sa kanila ni Elisse na anak ng may-ari ng club na kinakantahan nila.
Sa sobrang pagkainis, nag-walk out ang grupo at nagsabing hindi na sila magpe-perform sa club nina Elisse.
Ending, kailangang suyuin ni Elisse ang boyband sa utos na rin ng kanyang nanay. Pero pahihirapan ng grupo, lalo ni Joao ang dalaga kaya gigil na gigil ito.
Nagtagpo naman ang malditang karakter nina Ria at Elisse na magkakasakitan pa dahil sa basura.
Tinext namin si Ria at sinabing mas bagay sa kanya ang malditang karakter. Sagot niya sa amin, “Ha-hahahaha! Thank you Tita!”
Samantala, si Ria ang tumanggap ng award ng nanay niyang si Sylvia Sanchez para sa Pinaka-Pasadong Aktres sa Teleserye (Hanggang Saan).
Nasa Hongkong kasi si Sylvia kung saan siya nagdiwang ng kaarawan at dumalo rin sa event ng Beautederm kasama ang kapwa niya endorsers na si Matt Evans at anak na si Arjo Atayde.