2 suspek sa pagpatay sa OFW sa Lipa arestado

NAARESTO ng Calabarzon police ang mga suspek sa pagpata sa isang overseas Filipino worker (OFW) na binaril sa labas ng kanyang bahay sa Lipa City.

Sinabi ni Police Regional Office 4A director Chief Supt. Guillermo Eleazar na nahuli ng mga miyembro ng Lipa City Police sina Janet Manalo Capalad at kanyang lover na si Roel Dinglasan Guico, matapos ang isinagawang operasyon sa Mayo 20.

Pinagplanuhan umano ng mga suspek ang pagpatay kay Danilo Henson Teruel, na binaril sa labas ng kanyang bahay sa Purok 1 Brgy. Pinagkawitan noong Mayo 19.

Kauuwi lamang ni Teruel mula sa Saudi Arabia kasama ang kanyang misis nang sumulpot ang salarin at binaril ang biktima ng dalawang beses sa ulo.

Agad na dinala ang biktima sa NL Villa Memorial Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Batay sa police report, sinundo ni Guico ang biktima at kanyang misis mula sa airport. Malapit na kaibigan ni Guico si Teruel sa Saudi Arabia.

Inasawa umano ni Teruel si Capalad sa Saudi Arabia.

Sinabi naman ng mga testigo na nakita nilang nakikipag-usap si Guico sa salarin bago ang pagpatay.

Kinasuhan ang ang mga suspek ng murder sa City Prosecutors Office.

Nagsasagawa na ng operasyon ang pulisya para mahuli ang bumaril na hindi pa rin nakikilala.

Read more...