BUKOD sa mga die-hard Boston Celtics fans, marami sa palagay ko ang nagulat sa resulta ng first two games sa NBA Eastern Conference Finals sa pagitan ng Boston at Cleveland Cavaliers. Isama na ninyo ako sa mga nagtataka na matapos ang first two games ay angat ang Celtics, 2-0, sa koponan ni LeBron James.
At hindi pa close games ang dalawang laro lalo na ‘yung first game na kung saan tinambakan ng Celtics ang Cavs. Sa second game naman, kahit na come-from-behind ang panalo ng Boston ay komportableng panalo pa rin ang itinala ng Boston laban sa Cleveland. Kaya nga hindi ko alam kung bakit ‘So What?’ pa rin ang naging komentaryo nitong si LeBron sa postgame interview. ‘Yun kasi ang sabi niya after ng first game.
Nakapagtataka kasi talaga dahil hindi pa rin naglalaro ang dalawang superstar ng Celtics na sina ex-Cavs guard Kyrie Irving at ex-Utah Jazz swingman Gordon Hayward. Looking forward pa naman ang fans sa salpukan sana ni LeBron at ng sidekick niya dati sa Cavs na si Irving. Umalis kasi si Irving at ayaw na raw niya maglaro sa anino ni LeBron. Samantalang si Hayward, ‘yung sinasabing second coming ni Larry Bird, the great white hope, ay na-injured sa pagsisimula pa lang ng season.
Pero excuse me, marami pang kakainin itong si Hayward para masabi na papantayan niya ang ginawa ni Bird sa Celtics na binuhay ito from a losing season back to the elite level sa NBA noong ‘80s to ‘90s. Larry Bird fan ako at naniniwala na si Larry ay nasa top 5 kundi man nasa top 3 ng greatest players sa NBA.
At aaminin ko rin na hindi ako fan ni LeBron kahit na tanggap ko na siya ay isa sa pinakamagaling maglaro sa loob ng court sa ngayon. Pero sa akin kasi, kulang sa leadership si LeBron kung ihahambing ko siya kina Larry Bird o Michael Jordan. Practically one man team siya na kapag nakontrol mo siya, na siyang ginawa ng Celtics, mahihirapan manalo ang Cleveland.
Pero kahit na malabo sa ngayon na makabalik ang Cleveland, hindi pa rin puwedeng i-count out ang team ni LeBron dahil napatunayan na niya in the past na kayang bumalik ng team niya sukdulang mangabayo siya sa loob ng court at expect na natin na close game ang third game ng Celtics-Cavs series.
Bago nagsimula ang semifinals sa NBA, ang hula ko ay Cavs at Golden State Warriors muli ang maghaharap pero sinabi ko rin na kapag pinatunayan ng Celtics na mali ako, hindi rin naman ako magugulat dahil ipinakita na nila na kaya nilang manalo sa present lineup nila na pinangungunahan ni Al Horford at mga young players ng team.
‘Yun namang Western Conference Finals sa pagitan ng Golden State at ng Houston, ratsada na agad ang Warriors at pinadapa ang Rockets sa Game 1. Hindi naman talaga ako nagtataka dahil tingin ko ay hindi pa kayang lusutan nina James Harden ang team nina Stephen Curry, Kevin Durant at Klay Thompson dagdag mo pa sina Draymond Green at Andre Iguodala. Kahit pa lumipat si Chris Paul sa Houston, palagay ko ay kulang ang depensa ng Rockets para pigilin ang opensa ng Warriors.
At hindi pa rin ako magugulat kung pagbasa ninyo nito ay angat na rin ang Golden State sa Houston at sa huli ay maghaharap nga ang Celtics at Warriors sa NBA championship. Kung ganun nga ang mangyari, dun magwawakas ang streak ng Boston.
Pero sa ngayon, tapusin muna natin ‘yung conference finals.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.