Love scene, halikan nina Dingdong at Anne sa ‘Sid & Aya’ pang-millenial


SA kauna-unahang pagkakataon, pinagsama ng VIVA Films ang Princess of All Media na si Anne Curtis at ang 49th Box Office Entertainment Awards’ Film Actor of the Year na si Dingdong Dantes sa isang kakaibang romance-drama movie, ang “Sid & Aya (Not A Love Story)”.

Mula sa panulat at direksyon ng box-office writer-director na si Irene Villamor (ng Camp Sawi at Meet Me In St. Gallen), dumayo pa sina Anne at Dingdong sa Japan para doon kunan ang ilang mahahalagang eksena sa pelikula.

Sa kuwento, gumaganap si Dingdong bilang si Sid, isang insomniac, habang si Anne naman ay si Aya, ang misteryosang babae na makikilala at uupahan niya para makaraos sa lungkot ng mga gabing ayaw siyang dalawin ng antok.

Maintriga ang tagline ng pelikula na “not a love story”, at pati ang description na kasama ng full trailer ng “Sid & Aya” sa YouTube ay kumikiliti rin sa imahinasyon ng moviegoers.

Unang nagsama sina Anne at Dingdong sa isang programa sa telebisyon noon, ang TGIS, pero ngayon pa lang sila nagkapareha sa isang full-length movie.

Sa trailer na ni-release ng Viva, kitang-kita ang lakas ng chemistry ng dalawa, lalo na sa mga maiinit nilang eksena na inilarawan nga ni Dingdong na “pang-millennial”.

“It was very now, very fresh. It was beautifully done by Direk Irene. Basta you have to watch it para kayo na ang magsabi kung anong klase siya,” ani Dingdong sa presscon ng movie.

Sey naman ni Anne, “I guess, for me, it’s really how Direk Irene chose to attack the love scene. Hindi siya yung typical atake siguro ng mga dramatic film.”

Pigil na pigil ang dalawa sa pagkukuwento tungkol sa iba pang detalye ng movie dahil baka maibigay nila ang twist and turns sa kuwento, kaya naman mas lalong naintriga ang entertainment press.

Sinalo naman sila ni Direk Irene na nagsabing, “Basta ang masasabi ko lang without giving away too much, masarap manggago sa simula, pero hintayin niyo na magago rin kayo.”

Dagdag pa ng direktor, kapag inalis mo ang “&” sa title ng movie at mabilis mong binasa, “Sidaya” ang magiging pagbigkas dito. Ibig sabihin, dayaan ang tema ng kuwento nina Sid at Aya.

At gaya nga ng sabi ng karakter ni Dingdong na si Sid, “Hindi naman lahat ng may ‘I love you,’ ay love story na, eh.”

Sundan at panoorin ang misteryong bumabalot sa relasyon nina Sid at Aya sa pagbubukas ng “Sid & Aya (Nor A Love Story),” sa mga sinehan nationwide simula sa May 30, handog ng VIVA Films at N2 Productions.

Magkakaroon din ng mall tour ang mga bida ng pelikula: SM City Dasmariñas, May 19, 5 p.m.; Ayala Malls Cloverleaf, May 20, 4 p.m.; Gateway Cineplex, May 26, 4 p.m. at Ayala Malls Feliz, 6 p.m.; SM City Bicutan, May 27, 4 p.m. at and SM City Sta. Rosa, 6 p.m..

Magkakaroon din ng Red Carpet Premiere ang “Sid & Aya” sa May 28, 7:30 p.m. sa TriNoma Cinema 7.

q q q

Iwas na iwas naman si Anne Curtis sa isyu ng pagbubuntis. Pero sinagot pa rin niya ang pangungulit ng mga reporter tungkol sa pagkakaroon na ng baby.

Sey ng TV host-actress, hindi naman daw siya nape-pressure na magbuntis, naniniwala siya na kung ibibigay na ng Diyos sa kanila ni Erwan Heussaff ang kanilang panganay, darating na darating ito.

Aniya, “It’s yet to happen, but if it happens, then it happens. And I think kapag dumating (ang baby) ready na naman.”

Read more...