Female celeb matalino, maganda pero niloko pa rin ng asawa

HINDI lang basta maganda ang isang female personality. Hindi rin sayang ang bao ng kanyang ulo dahil may utak siya. Kumpletos recados ang kanyang katangian.

Pero sa gandang ‘yun ng aktres ay ipinagpalit pa rin siya sa ibang babae ng kanyang mister. Walang nag-akalang mangyayari ‘yun dahil matagal muna silang naging mag-boyfriend bago sila nagdesisyong magpakasal.

Pero wala nga siguro sa ganda at talino ang labanan, kung ganu’n ang barometro ng kanilang relasyon, di sana’y hindi na humanap ng iba ang lalaki.

Bagsak ang emosyon ng babae. Ninakawan din siya ng tiwala sa kanyang sarili. Sa ganda at talino nga naman niyang ‘yun ay akalain n’yong ipagpalit pa siya sa iba ng lalaking mahal na mahal niya?

May kuwento tungkol du’n ang aming source, “Matindi ang insecurity ng guy. Mula’t mula pa, e, intimidated na talaga siya sa girl. Marunong lang humawak ng relasyon ang female personality, kaya nagtagal pa sila.

“Kapag nararamdaman na ng girl na nai-insecure ang husband niya, bibirahan na niya ‘yun ng puro papuri sa asawa niya. ‘Yun ang ginagawa niyang gamot sa pagseselos at insecurity ng asawa niya.

“Hindi na rin sila namamasyal sa matataong lugar dahil lalong tumitindi ang insecurity ng lalaki. Nagagalit siya kapag may mga bumabati sa wife niya, nai-insecure siya sa popularity ng girl.

“Instead na naging proud ang guy dahil may mga nakakakilala sa misis niya, e, kabaligtaran pa nu’n ang ginagawa niya. Selos na selos siya, sobrang pag-atake ng insecurity ang umaariba sa kanya.

“Kaya ang ginawa ng guy, kumuha siya ng girl na kapareho lang niyang ordinaryo. Hindi kilala, hindi artista, hindi siya makararamdam ng insecurity!

“Ang girl ang nakipaghiwalay, hindi siya ang iniwan. Maganda ang ginawa ng female personality dahil nag-iwan pa siya ng respeto para sa sarili niya.

“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, napakadaling hulaan kung sino ang maganda at matalinong female personality na ito, kasingganda ng pulang-pulang rose ang kanyang name,” pagtatapos ng aming source.

 

Read more...