SIGURADONG naguguluhan ngayon si Willie Revillame sa pagdedesisyon kung ano ang lalahukan niyang posisyon sa darating na eleksiyon. May mga nanliligaw sa kanya para tumakbong mayor ng Quezon City pero may mga nagtutulak din sa kanya para lumaban bilang senador.
May dalawang buwan nang pabalik-balik sa kanya ang mga kilalang pulitiko sa Kyusi, talagang kinukumbinse siya ng mga ito para tumakbong mayor ng siyudad, pero wala pang napagdedesisyunan ang aktor-TV host.
Nakikinig lang muna siya, nakikiramdam, bago siya magbitiw ng desisyon na hindi na niya muling mababawi pa.
Pero ang pinakamatindi ay ang nag-viral nilang video ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lamay ng namayapang si Senador Edgardo Angara. Maraming nag-isip agad na hindi sa Kyusi kakandidato si Willie kundi sa pagiging senador.
Sabi nga ni prop, “Sa totoo lang, tumagal nang almost one hour ang pag-uusap nila. Ibig sabihin, e, napakarami nilang napag-usapan sa loob nang isang oras.
“Hindi naman magtatagal nang isang oras ang pag-uusap nila kung kumustahan lang ang ginawa nila. Siyempre, maraming inikutan ang pag-uusap nila, di ba?
“Mas malamang na tumakbong senador si Willie kung ganyan na nagkausap na sila ni Pangulong Digong, hindi na imposible ‘yun,” sabi pa ni prop.
Abangan na lang natin kung tuluyan na nga bang papasukin ni Willie Revillame ang mundo ng
pulitika.