Gustong mag-ampon pero…

MAGANDANG araw sa iyo, Ateng Beth.

Tulungan po ninyo ako sa problem ko.

Ilang taon na po akong may asawa pero wala pa kaming anak. At mukhang hindi na kami magkakaanak. Ngayon, ang plano ng mister ko ay mag-adopt na lang kami.  At may bata na siyang nakita, pamangkin niya.  Gusto ko sana nang mag-adopt pero ayaw ko sana na kamag-anak.  Kasi baka pag napamahal na sa amin ay bigla na lang kukunin sa amin. Payuhan mo naman ako. Salamat.

Elvira, Caloocan City

Hi Elvira, wala akong maipapayo sa iyo kundi mag-usap kayong mag-asawa. At makipag usap sa isang abogado. Kausaping mabuti ang magulang ng pamangkin ninyo.

Siyempre hindi ninyo naman maitatago, ke kamag-anak ninyo ang bata o hindi, na hindi siya nanggaling sa inyo.

At hindi rin mababalewala na ituturing ninyo siyang parang nanggaling sa inyo, di ba?

Kahit naman kaninong anak ang ampunin ninyo, (1) mapapamahal sa inyo at (2) hindi forever na mapapasa inyo.

Kahit hindi ninyo kilala ang magulang ng aampunin ninyo, may chance na mawawala pa rin siya sa inyo sa anumang paraan.

Mag-aampon ka ba dahil gusto mong meron kang kasama forever? Dahil gusto mong “kulungin sa pagmamahal” mo?

May nagsabi (di ko kilala, nabasa ko lang kung saan) ang mga anak daw natin ay ekstensyon ng ating pagkatao. Kaya ganun dapat ang gawin natin. To raise up kids who will be better than us.

Ke anak natin o anak ng iba, kung may pagkakataon tayo, palakihin natin sila nang mabuti at tama. ‘Yun ang mas mahalaga kesa tawagin ang isang tao na akin, o iyo, o kanya, o kanino pa man.

May nais ka bang isangguni kay Ateng Beth? I-text sa 09156414963

Read more...