Bilin ng Immigration, agahan magpunta sa airport

DUMADAAN sa mga international airport ng bansa ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibayong dagat. At patuloy na lumolobo ang bilang ng mga pasahero na dumadaan sa mga paliparang ito.

Kaya naman masayang ibinalita ni Atty. Antonette Mangrobang, spokesperson ng Bureau of Immigration na nakapagdeploy na sila ng karagdagan pang 99 na mga bagong immigration officers at nagsimula nang magtrabaho sa kanilang mga assigned terminals.
Dahil sa karagdagang mga opisyal na ito ng Bureau of Immigration, tiyak na mababawasan na rin o mawawala na ‘aniya ang mahabang pila sa mga immigration counter. Nagtapos ng apat na buwang training sa Philippine Immigration Academy sa Clark, Pampanga ang bagong mga kawani.

Pero sabi pa ni Mangrobang, kahit may mga dagdag na opisyal pa ang Immigration, kailangang magtungo pa rin ng maaga sa airport ang ating mga kababayan.

Dapat ‘anyang maaga ng tatlong oras bago ang schedule ng kanilang flight, nasa mga paliparan na ang ating mga pasahero.

Mas maaga, mas mabuti. Maraming aberyang hindi inaasahan kung kaya’t mabuti nang hindi naghahabol sa oras, at may panahon pa na masolusyonan kung anuman ang problema.

Lalo na sa mga first time OFWs, maaaring mangapa pa sila sa mga airport. Kinakailangang dala-dala nila ang mga importanteng dokumento tulad ng pasaporte, kontrata at iba pa.

Ipinapayo na magpakopya ng pasaporte at ilang travel documents at ilagay iyon sa isang envelope na nasa loob ng kanilang check-in luggage. Mag-iwan din ng kumpletong kopya sa pamilya.

Makabubuti ring may isang pang extrang envelope na nasa kanilang mga bag na bitbit sa kanilang mga katawan. Maaaring mawala kasi ang mahahalagang mga dokumentong ito na pawang orihinal pa naman at malaki na ang bentaha ng isang biyahero kung mayroon siyang mga ekstrang kopya noon.

Mahigpit din na pinaaalalahanang kapag nasa loob na ng mga airport, huwag papayag na tumanggap ng anumang pakiusap o kahilingan na may magpapadala sa inyo ng kanilang mga bagahe. Mariing tanggihan iyon.

Mayroong estilo ang ilan nating mga kababayan na kapag nasa pila na para makapag-check-in ng inyong mga bagahe, may makikiusap na excess baggage na ‘anya siya at kung puwedeng ipa-check in sa inyo ang bag niya. Huwag pumayag. Delikado po iyon. Hindi ninyo alam kung ano ang laman ng naturang bag na maaaaring may droga o kontrabando.

Kung sakaling may nakita naman kayong bag at may nakaiwan niyaon, huwag ninyong kukunin. Huwag pag-interesan ang hindi sa inyo dahil maaaring ikapahamak pa ninyo iyon.

Hayaang mga airport officials ang kumuha noon. Maging maingat. Dahil maaaring malagay kayo sa panganib at tuluyang hindi makaalis dahil sa isang inosenteng pagkakamali.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...