Pagsisinungaling, kahihiyan

WASAKIN ang kanyang tirahan. Ibigay sa iba ang kanyang tungkulin. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Gawa 1:15-17, 20-26; Slm 113:1-8; Jn 15:9-17) sa kapistahan ni San Matias, apostol.

Hindi mahirap limiin ang salitang ito na mula sa Mga Gawa ng mga Apostol, na unang isinulat sa Aklat ng mga Salmo. Ito’y napapanahon sa gobyernong Duterte (dahil sa sunud-sunod na sinisibak; at ginawa sa gobyernong Aquino para paghigantihan sina Arroyo, Corona at Gutierrez). Tulad ito ng mga talinhaga sa Karaniwang Panahon, na sinasalamin ang kasalukuyan: ang di dapat iniluklok ay alisin at ibigay ang puwesto sa dapat.

Para sa payak, di arok ang kaibahan ng quo warranto at impeachment. Pero, simple lang naman ang ugat: pagsisinungaling. Sa husgado, malaki ang kaparusahan ng pagsisinungaling. Sa parusang langit, ang gawad ay malaking kahihiyan. Sina Sereno at ang monsinyor na nakikipagtalik pala sa bayarang batang babae ay ilan lang sa kaganapan ng pagsisinungaling.

Hindi nakapagtataka kung bakit nanalo ang drogista sa matino sa barangay (maraming barangay ang pamumunuan pa rin ng drogista, pero hindi makasuhan dahil kulang sa katibayan). Ganyan ang masa. Mantaking nanalo si Pacquiao sa magaling na abogado, ang basketbolista sa subok na lingkod batas-bayan? Mantaking nanalo si Pangitlinan gayung siya ang tagapagtaguyod ng mga batang hamog na nagnanakaw at pumapatay? Masisisi ba ang masang mangmang?

Habang nagaganap ang bilangan sa halalan sa Barangay Bagong Silang, Caloocan, nag-iinuman ang mahigit 20-katao, na hayagang paglabag sa liquor ban. Pero, hindi ito binaba ng mataas na opisyal, bagkus nangako sa mga nagrereklamo na bababain. Nang ipabatid sa pulisya ay tapos na ang liquor ban at laking panghihinayang nila dahil malaking achievement sana kung nahuli ang mga lumabag na pinabayaan lang ng mataas na opisyal ng barangay.

Nasaksihan ko ang ordinasyon ni Bishop Jose Oliveros, ng Diocese of Malolos, sa Luneta (ni Pope Paul VI, kasama ang iba pang bagong pari) noong Nob. 28, 1970 (campus journo na koaks, long hair, hippie, dahil naakit sa Woodstock ni Max Yasgurs). Di ko matandaan ang kanyang pangalan. Noong ako’y naging deboto ng Divine Mercy noong Enero 2014, nadama ko siya. Siya nga! Napakasakit ng prostate cancer. Tulad ng daan-libong mga santo, ang hapdi ng sakit ay paanyaya para mas lalong mapalapit sa Ama, sa Santatlo. Hindi nagtatanong o nagagalit sa Diyos kung bakit sa kanya pa ibinigay ang pinakamahapding sakit, na dadalhin sa mahabang panahon, hanggang kamatayan.

UST (Usaping Senior sa Talakayan, Gaya-Gaya, San Jose del Monte City, Bulacan): Karaniwan, sa umpukang senior, bago mag-umpisa ang talakayan, ay ang pataasan ng ihi sa makalipas: mabubuti, meron ding masasama. Mabuti man o masama, ang mga alaala ay gintong baul, kung ito’y lilimiin ng may Pananampalataya. Mabuti man o masama sa alaala ng kahapon, kapag may itinuwid, magpasalamat sa Diyos sa Kanyang gabay.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Patubig, Marilao, Bulacan): Napalitan na ang masasamang opisyal sa barangay at manunungkulan na ang mabubuti. Pero, sa piniling “mabubuti” nananahan at naghihintay ang masama (1 Pedro 5:8). Alamin kung saan nagkukubli ang peligro dahil nariyan ang masasama na nag-aanyong mabubuti, bagong binhi.

PANALANGIN: Panginoon, hinirang Mo kami sa mundo upang mamunga. Alisin at pungusan ang lantang sanga nang yumabong ang hudikatura.

MULA sa bayan (0916-5401958): Huwag sanang makikialam ang city officials sa mga barangay. Ang kanilang pakikialam ang sanhi ng mahihirap na barangay. …8112, Bayanihan, Butuan City

Kailan ba mawawala ang droga? …6511, Barangay 26, Gingoog City

Read more...