MISTULANG dadalo sa hearing ang sexy actress na si Ynez Veneracion nang dumating sa “Cristy Ferminute” nu’ng Miyerkules para sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya ng isang kababayan nating matagal nang based sa Brunei.
Ayon kay Kathy Dupaya na naging kaibigan niya at kasosyo sa negosyo ng pagpapautang sa mga OFW ay wala siyang utang na loob. Pinakita na nga raw nito ang kanyang pera ay sinisiraan pa niya ang negosyante.
Dumating si Ynez sa “CFM” na bitbit ang kanyang mga ebidensiya, mga tseke ‘yun na inisyu sa kanya ni Kathy Dupaya na walang pondo, saka mga text messages sa kanya na pagkakapal-kapal sa dami.
Pahayag ni Yenz, “Ayoko po kasi nu’ng ako pa ang binabaligtad niya. Tama, kumita nga ang perang ipinuhunan ko sa pakikipag-business sa kanya, pero kinukuha ko na ang principal dahil kailangan ko na.
“Pahirapan po ang paniningil sa kanya, may kung anu-anong reasons siyang ibinibigay, kesyo natakbuhan daw siya ng collector niya at kung anu-ano pang mga alibi na hindi ko na pinaniniwalaan.
“Kesyo nai-transfer na raw niya ang funds sa account ko, pero kapag nag-check naman ako sa bank, e, wala pa pala. May balance pa siyang two hundred sixty thousand pesos, kinukuha ko na sa kanya, pero nagalit siya.
“Nilala-langlang niya ang amount na ‘yun, kaya ako naiinis, pinaghirapan ko ang amount na ‘yun na minamaliit lang niya. Maliit na lang pala, pero bakit hindi niya pa mabayaran hanggang ngayon?
“Sinungaling si Kathy Dupaya, marami pa siyang utang hanggang ngayon sa maraming artistang kinunan niya ng puhunan,” maiyak-iyak na kuwento ni Ynez Veneracion.