MINSAN na ba kayong hinawi ng isang nagmamadali nang walang pasabi? Hindi ba ugali ng Pilipino ang pasintabi kung tatawid o dadaan ka sa harapan nila? Hindi ba yumuyuko pa ito kung gagawin niya ito?
Ito ay tinatawag na paggalang sa kapwa mo dahil maaaring makaistorbo ka sa kanilang ginagawa, sa kanilang tinitingnan, o dahil dapat ka lang talaga magpakitang- galang sa iyong kapwa kung tatawid ka sa harap nila.
Ito ang isa sa mga pakay ng “signal light” na inilalagay sa sasakyan natin, ang magpasintabi sa mga ibang sasakyan na maapektuhan kung tayo ay aalis sa “lane” natin at lilipat ng linya o liliko ng kalsada.
Nagpapa-alam tayo sa kanila na baka sila ay maistorbo sa gagawin natin at kung maaari ay pagbigyan tayo sa ating gagawin.
Kailangan kasi nating ipaalam sa mga kapwa natin motorista kung ano ang balak nating gawin sa kotse natin habang lahat tayo ay tumatakbo sa lansangan. Ang tawag dito sa opisyal na lingwahe ng pagmamaneho ay “expressing your intentions.”
Dahil hindi naman tayo maaring mag-usap sa lansangan, inilagay ang signal lights upang maipaalam natin sa kapwa natin motorista na kung tayo ay liliko sa kanan, sa kaliwa o kung tayo ay may aberya at kailangang huminto sa gitna ng lansangan.
Kapag ang isang driver ay gumagamit ng kanyang signal light kapag liliko o lilipat ng linya, ipinakikita lang niya na iginagalang niya ang ibang driver sa paligid niya at nagpapaalam siya bago siya umalis sa lugar niya.
Ito ay dahil sasakupin ng driver na liliko ang lugar na dapat ay dadaanan ng driver na kanyang sisingitan. Ang signal light ay nagsasabing “maaari ba akong makidaan dahil liliko lang po ako.”
Hindi lahat ng driver ay agad makikita ang signal light mo, tulad nang hindi lahat ng kausap mo ay maiintindihan ang intensiyon ng sinasabi mo. Kailangan lang ay maghintay ng driver na nakakaintindi ng nais mo gawin at pagbibigyan ka lumusot sa harap niya.
At dahil magalang ang gumagamit ng signal lights, malayo pa ang kanyang lilikuan ay inaayos na niya ang posisyon niya upang hindi niya harangan ang ibang mga sasakyan sa kanyang pagputol sa dinadaanan nila or yung tinatawag na “cutting lanes.”
Nararapat lamang sa ibang sasakyan na bigyang galang din ang pagpapakita ng signal light intentions. Kapag ang nasa likuran ninyo na dating mabagal ay biglang bibilis kapag kayo ay nagbukas ng signal light, isa lang ang maaari nating isipin tungkol sa kanya, wala siyang modo, hindi tama ang pinag-aralan at bastos siya sa kapwa niya.
Para sa komento at suhestiyon sumulat po lamang sa irie.panganiban@gmail.com o kaya ay sa inquirerbandera2016@gmail.com.