DEAR Ateng Beth,
Isa po akong overseas Filipino worker sa Hong Kong at kasalukuyang nakabakasyon ngayon.
Gusto ko po sanang umuwi ng Leyte, pero tiyak mauubos na naman mga pinaghirapan ko kapag umuwi ako.
Hindi naman sa nagdadamot ako, ganon na lang po kasi palagi. Pag uuwi ako, kailangan may pasalubong. Parang obligasyon na yata iyon sa kanila.
Ok lang don sa immediate family ko, pero yung kahit malalayong kamag-anak sumusugod sa bahay na akala mo’y may patago sila sa akin.
Ano bang mainam kong gawin?
Nora, Leyte
Hello Ate Guy, ikaw ba yan?
Naku, Nora feel kita, ‘teh! Ganyan yata talaga ang mga Pinoy, akala mo may utang na loob palagi si OFW sa kanila. Kapag hindi naabutan, mayabang na si OFW, na akala mo naman may kontribusyon sila sa pang placement fee ni OFW!
Alam mo kung hindi mo kayang tuwirang sabihin sa mga kamag-anak, kabarangay, kabaryo at buong Pilipinas na wala kang pasalubong sa lahat, pagtyagaan mong bumili ng maliliit na tsokolate o maliliit na sabon.
Ganyan ang Gawain ng bespren ko kapag umuuwi from abroad.
Tapos sa bawat dadalaw sa iyo at magpaparamdam (parang multo lang?!), abutan mo ng tsokolate o sabon, tapos sabihin mo ‘yun lang ang meron ka.
Unfortunately, ikaw pa manghihingi ng pasensya dahil yun LANG ang pasalubong mo. Pero tiisin mo na lang.
Kung matapang-tapang ka naman, pagka-abot mo ng pasalubong mo, sila naman tanungin mo: “o, ikaw, ano naman ang homecoming gift mo sa akin?!” Ewan ko na lang kung tablan sila ng hiya.
Pero dapat talaga magkalakas ka ng loob na sabihin sa kanila na wala kang pasalubong, period. Wala ka namang dapat ipaliwanag sa kanila o obligasyon sa kanila.
I am sure ni hindi ka nga nila makumusta, di ba? So dedma na lang. Kumbaga patigasan na lang kayo ng mukha. Matututo rin ang mga ‘yan. Magsasawa rin.
Expect mo nga lang na sabihan kang madamot o mayabang, so keri na lang. Kung makikinig sila, ikwento mo gaano kahirap magtrabaho ng mag-isa lang. Yung mga drama mo sa buhay. Siguro naman tatalaban na sila ng konting guilt at di na manghihingi sa susunod.
Again, wala ka namang obligasyon sa kanila. Kaya tatagan mo na lang sarili mo.