‘My 2 Mommies’ nina Paolo at Solenn ‘Graded A’ sa CEB


BONGGA! Grade A pala ang ibinigay ng Cinema Evaluation Board sa Mother’s Day offering ng Regal Films na “My 2 Mommies” na pinagbibidahan nina Paolo Ballesteros at Solenn Heussaff.

Of course, tuwang-tuwa sina Mother Lily at Roselle Monteverde sa good news na ito, pati na rin si direk Eric Quizon at ang buong cast and production. And what’s the meaning of this? Ibig sabihin, the film is highly recommended for viewing at para rin ito sa buong pamilya.

Napanood na namin ang “My 2 Mommies” sa ginanap na premiere night last Monday sa SM Megamall at hindi kami mahihiyang irekomenda ang pelikula sa madlang pipol dahil hindi lang nakakatawa ang kuwento nito, napakarami ring aral na mapupulot lalo na ang mga millennial.

In fairness, sa lahat ng pelikulang nagawa ni Paolo, ito na yata ang pwedeng i-level sa ganda at kalidad ng kanyang award-winning movie na “Die Beautiful”. Hindi ka lang kasi tatawa sa mga nakakalokang eksena nina Paolo, Solenn at Joem Bascon, may kurot din ito sa puso, lalo na sa mga magulang.

Hindi lang basta tungkol sa kabaklaan ang tema ng “My 2 Mommies” bilang gay lovers nga ang role nina Joem at Paolo, ipakikita rin sa mga manonood kung ano ba talaga ang tunay na ibig sabihin ng pagiging ina, at kung hanggang saan ang kayang gawing sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

q q q

Given na ang galing ni Paolo bilang comedian at drama actor pero mas na-appreciate namin ang akting niya rito dahil mas may lalim at mas ramdam mo ang pinanggagalingan niya. Gusto rin naming palakpakan sina Solenn at Joem dahil sa sincere at makatotohanan nilang pagganap bilang dating dyowa at current lover ng karakter ni Paolo.

Nagkakaisa nga ang mga entertainment editor na nasa premiere night sa pagsasabing certified drama actress na si Solenn sa “My 2 Mommies”.

At siyempre, hindi makukumpleto ang rekado ang bagong movie ng Regal kung wala ang napakagaling na baguhang child actor na si Marcus Cabais who played the son of Pao and Solenn in the story.

In fairness sa bagets, kahit first time niyang umapir sa isang pelikula, hindi siya nagpalamon sa kanyang co-stars. Natural na natural ang bata sa kanyang mga eksena, lalo na sa mga palitan nila ng punchlines ni Paolo. Kaya hindi na kami magtataka kung magsunud-sunod na ang projects ng bagets sa TV man o sa pelikula.

And last but definitely not the least, kahit na kaunti lang ang mga eksena niya sa “My 2 Mommies”, sigurado kaming magmamarka rin sa manonood ang role ng nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano bilang talakera ngunit mapagmahal na tiyahin ni Paolo.

Hindi na namin masyadong idedetalye ang kuwento ng “My 2 Mommies” para hindi ma-preempt ang inyong panonood. Pero sure na sure kami na hindi kayo magsisisi at manghihinayang sa ibabayad n’yo sa sinehan dahil sa good vibes na hatid ng pelikula.

Super agree kami sa komento ng isang blogger na, “Kudos to Eric Quizon for giving a different brand of comedy that touch your heart at the same time. Overall, My 2 Mommies is the best film to watch this Mother’s day with your family especially with your mom.”

Showing na ngayon sa mahigit 140 sinehan natiowide ang “My 2 Mommies.”

Read more...