DAHIL sa sobrang success na tinatamasa ngayon ng all girl group sa Japan na tinawag na AKB48 ay nag-venture na rin sa iba pang Asian countries tulad ng China, Taiwan, Thailand at Indonesia ang Hallo Hallo Entertainment na pinamumunuan ni Paulo Kurosawa.
Kabilang ang Pilipinas sa napili ni Mr. Kurosawa dahil nalaman niyang maraming talented young girls dito sa atin kaya naman nakipag-partnership siya sa ABS-CBN para sa “MNL48” segment ng It’s Showtime.
Umabot sa mahigit isang taon ang paghahanap ng contestants sa MNL 48, ayon nga sa organizer nitong si Gio Medina ay talagang literal na nalibot nila ang buong Pilipinas.
Base sa pahayag ni Ginoong Kurosawa ang top 7 ay ipadadala sa Japan para sa matinding training sa AKS at magkakaroon din ng recording contract mula sa Star Music at kapag okay na lahat ay magkakaroon sila ng sariling show sa AKB 48 Theater sa 2019.
Ipinakilala kamakailan sa members ng entertainment media ang mga napiling MNL 48 nitong Lunes, na ginanap sa Hive Hotel at dito nga sila nagkuwento ng kanilang journey habang isinasagawa ang kumpetisyon.
Yung iba nga raw sa mga finalists ay mababa ang nakuhang boto pero pinilit nilang lumaban para umangat ang kanilang scores.
Base sa pahayag ng organizer ng MNL 48 sa Pilipinas na si Gio ay hindi nag-aaral sa regular school ang grupo dahil in-enrol sila sa homeschool.
Ayon sa isang MNL 48 member, “Galing po ito sa puso namin na mag-sacrifice po ng life namin to serve and to inspire people lalo na po sa mga millennials and to the youth po.
“As an idol po, we MNL 48 of first generation we will prove to the young people to strive para maging successful po at san makaatulong kami kasi kami po ‘yung pinili sa Pilipinas,” aniya pa.
Panglima ang bansang Pilipinas na naging sister group ng Japan AKB48.
Ang MNL top 7 ay binubuo nina Shekinah Igrata Arzaga, na siyang tinanghal na Center Girl; Abelaine Saunar Trinidad; Marsela Mari dela Cruz Guia; Christine Ann Coralde Coloso; Zennae Abale Inot; Alice Margarita Reyes de Leon; at Sharlene Trixie Caceres Tano.
Samantala, hindi masagot ng MNL 48 kung ano ang eksaktong projects na gagawin nila sa Japan dahil on process pa raw ito at malalaman lang nila kapag nandoon na sila.
Hindi makakasama ng young girls ang kanilang magulang pagpunta sa Japan dahil siniguro naman ng organizers na safe ang mga bata dahil may handlers silang mga kasama at higit sa lahat hindi naman mga menor de edad na ang grupo ng MNL 48.
Wala rin daw magiging problema sa DOLE dahil 16 years old below lang ang binabantayan ng ahensya ng gobyerno.