BINITBIT ng inspiradong laro ni world import Renaldo Balkman simula umpisa hanggang sa huling yugto ng laban ang Alab Pilipinas tungo sa 102-92 panalo kontra Mono Vampire sa Game 5 ng 2018 Asean Basketball League (ABL) Finals Miyerkules ng gabi sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Pinamunuan ni Balkman ang 18-8 paunang bomba ng Alab sa pagsisimula ng laro habang muli nitong pinuwersa ang 7-foot-5 import ng Mono Vampire na si Samuel Deguara na magkaproblema sa foul para iuwi ang una niyang korona at una ring kampeonato sa koponan.
Kinolekta ni Balkman ang 21 puntos sa unang hati pa lamang ng laro tampok ang ilang matitinding dunk upang diktahan ang laro pati na mga kasamahan na ikinatuwa mismo ng maingay na home crowd na dumayo para masaksihan ang makasaysayang pagwawagi ng Alab Pilipinas.
Ibinuhos ng Alab ang 27 puntos sa unang yugto habang nilimitahan nito ang Mono Vampire sa 14 puntos lamang bago nagpalitan ang dalawang koponan sa ikalawang yugto kung saan muling nagtala ang mga Pinoy ng 27 puntos habang 31 naman sa Mono Vampire para sa 54-45 abante.
Umalagwa muli ang Alab sa ikatlong yugto sa pagbuhos ng kabuuang 28 puntos kumpara sa 16 ng Mono Vampire upang itala ang pinakamalaki nitong 25 puntos na kalamangan bago natapos ang quarter sa iskor na 82-61.
Nagpilit pa ang mga Thai club na agawin ang laban sa paghulog ng 31 puntos bagaman hindi na nito napigilan pa ang home squad na gumanti ng 20 puntos upang ibalik ang korona ng pangrehiyong liga sa Pilipinas eksaktong limang taon na ang lumipas.
Matatandaan na pinakaunang nagkampeon sa pagsisimula ng ABL ang Pilipinas na inirepresenta noon ng Philippine Patriots noong 2010 bago sumunod ang San Miguel Beer noong 2013 na binitbit ni coach Leo Austria at pinamununuan nina June Mar Fajardo at Asi Taulava.
Itinala naman ni Jimmy Alapag, na minsan naging PBA MVP at team captain ng Gilas Pilipinas, ang kasaysayan bilang unang coach na nakapagwagi ng korona sa kanyang unang taon.
Tinapos ni Balkman ang laro na may 32 puntos at siyam na rebound habang si Justin Brownlee ay may 24 puntos, 12 rebound at siyam na assist para sa Alab.
Kinumpleto rin ni Bobby Ray Parks Jr. ang kanyang magandang paglalaro sa buong season matapos na maging unang local player na nagtala ng 30 puntos sa Finals sa kinolekta na 13 puntos sa Game Five upang kilalanin bilang Finals MVP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.