Skilled workers sa Pinas, nagkakaubusan na nga ba?
IPINAHIWATIG ng Duterte administration na maaaring kumuha na sila ng mga dayuhang manggagawa upang maisakatuparan ang Build, Build, Build program ng pamahalaan.
Maraming trabahador nga ang kakailanganin sa pagtatayo ng mga proyekto sa Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, hinihimok din niyang magsipag-uwian na ‘anya ang ating mga kababayan dahil tiyak namang may trabahong mapapasukan sa Pilipinas lalo na sa larangan ng konstruksyon.
Tulad na lamang ‘anya sa Kuwait. Matapos umigting ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, at ngayong wala nang kinatawan ang Pilipinas doon, sabi ni Duterte, mabuti pang magbalikan na lamang ang ating mga kababayan sa bansa.
Pero posible nga ba ito? Ganoon ba kasimpleng babalikin ang ating mga OFW?
Ang isang OFW kasi kapag nakatikim na ng trabaho sa abroad at dolyar ang kinikita, malabong bumalik yan para lamang gawin ang parehong trabaho kapalit nang maliit na kita.
Kung halimbawang sumusuweldo ang isang karpintero ng 50,000 piso sa bawat buwan, handa bang tapatan iyon ng pamahalaan?
Siyempre hindi! Hindi naman nila kayang pasuwelduhin nang ganoon kalaki ang isang manggagawang ang katapat lamang dito sa Pilipinas ay yaong kumikita ng arawan.
Kung sakali naman kasing uuwi ang ating kabayan sa Pilipinas, hahanap at hahanap pa rin siya ng mapapasukan sa abroad.
Tulad na lamang din ng mga Pinoy na lumilikas mula sa mga bansang naggigiyera, nakapag-desisyon na sila at may napili nang bansa na kaagad lilipatan.
Hindi nila sasagutin ang mga opisyal ng pamahalaan kung magfo-for-good na nga ba sila at handa naman ‘anya silang tulungan ang nagbabalik na OFW naman para sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng reintegration program ng gobyerno.
Kung trabaho sa abroad at malaking kikitain ang kaisipan at direksyon ng ating mga kababayan, tiyak na magkakaubusan na nga ng mga skilled workers. Dahil isa lang ang kanilang pagtutunguhan. Ang mangibang-bayan.
Ngayon pa lamang, kung nais ng pamahalaan na hikayating bumalik ng bansa ang ating mga OFW, handa rin silang magbigay ng malaking pasuweldo kahit papaano, ngunit hindi naman nangangahulungang tatapatan nila o kasing laki ng kinikita ng mga OFW sa ibayong dagat.
Kapalit naman noon ang pagsasama-sama ng buong pamilya at maiiwasan ‘ika nga ang mga problemang dulot ng social cost of migration.
Kung magiging praktikal din naman ang ating OFW at hindi na hahangarin ang kalakihang tinatamasa sa pag-aabroad, posibleng mapabalik siya ng Pilipinas.
Pero ilan nga lamang ba sila na maaaring ganito ang pag-iisip?
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.