PINAGPISTAHAN nu’ng isang gabi ang mga kuwentong nagsasangkot sa mga kilalang personalidad sa lokal na aliwan. Nangunguna sa listahan ang isang pamosong female personality at ang kanyang mga tantrums.
Ibang klase rin siyang sumpungin, talagang walang kahit anong babala, basta nagugulat na lang ang kanyang mga katrabaho dahil nagwo-walkout na lang siya sa mismong programa niya.
Ang ibang personalidad ay nagpapaalam muna sa production, lalo na kung hindi na nito kayang magtrabaho dahil masama ang kanyang pakiramdam, pero ang female personality na ito ay manggugulat.
Kuwento ng isang source, “Nasa dressing room siya, nagpapa-make-up, tapos, bigla na lang nakikita ng mga production people na ibinabalik na ng mga PA niya ang mga kagamitan niya sa van.
“Kapag may nagtatanong kung bakit, e, hindi sumasagot ang mga PA, sumusunod lang daw sila sa utos ng boss nila, ipinababalik na ang kanyang mga gamit sa sasakyan.
“Natural, naloloka ang staff, paano na ang taping nila, basta ganu’n na lang ipa-pack-up dahil ayaw nang magtrabaho ng main star nila? Paano na ang gastos ng production?” simulang kuwento ng aming impormante.
Maraming dahilan kung bakit nagkakaganu’n ang pamosong babaeng personalidad. May hindi siya nagustuhan na ang katwiran niya ay makakaapekto sa kanyang trabaho.
“Ang isang reason, bumababa ang rating ng show niya. Tinatalo siya ng katapat niyang show. Ayaw niya ng ganu’n. Ang gusto niya, e, palaging mataas ang rating ng programa niya. Hindi siya marunong tumanggap ng pagkatalo.
“Nawawala na ang sigla niya sa pagtatrabaho kapag ganu’n, nagta-tantrums na siya, kung anu-ano na ang idinadahilan niya, kaya kailangang i-pack-up ang work niya!
“Isa kaya ‘yun sa mga dahilan kung bakit nagsarado ang pintuan ng kalangitan para sa kanya? Kahit kailangan naman siya ng network, e, hindi bale na lang, dahil malaking datung ang tumatapon kapag sinusumpong siya?
“Ano sa palagay n’yo, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio? Getlak n’yo na kung sino siya?” pagtatapos ng aming source.