PUMIRMA na ng kontrata sa GMA 7 si John Estrada. Malakas ang ikot ng balita na ang kaibigan niyang si Willie Revillame ang umayos at namagitan sa aktor at sa mga ehekutibo ng network para sa kanyang paglipat.
Nagkaroon naman ng positibong resulta ang lahat, nu’ng Miyerkules ay pumirma na ng kontrata sa Kapuso network si John Estrada, mabilis ang naging transaksiyon.
Nagkakabiruan nga ngayon, kay Willie rin kasi nagparamdam si Kris Aquino ng kagustuhang makaentra sa istasyon, gumawa naman ng paraan ang aktor-TV host pero bigo ang naging pagtatangka nitong matulungan si Kris.
Maganda na sana ang mga nangyayari, pero biglang may humarang, usapin ng pulitika ang naging dahilan. Napulitika si Kris dahil hindi kagandahan ang imaheng meron ngayon ang kanyang kapatid na dating pangulo.
Naging madali ang pagpasok ni John Estrada sa GMA 7. Naging makinis ang daan sa kabila ng mga kuwento ng naging dahilan kung bakit siya maagang pinatay sa isang serye ng ABS-CBN.
Kinasihan ng panahon si John Estrada at naging mailap naman ang kapalaran kay Kris Aquino. Kung ukol ay bubukol talaga.