BINUKSAN na ni Senator Manny Pacquiao ang kanyang training camp sa Wild Card Gym sa General Santos City bilang paghahanda sa nalalapit niyang laban kay World Boxing Association (WBA) welterweight champion Lucas Matthysse ng Argentina.
Pakay ng eight-division world boxing champion na si Pacquiao na masungkit ang kanyang ika-11 world title sa kanyang pagsagupa kay Matthysse sa Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Bago pa ang ensayo kahapon sa Wild Card Gym ay unti-unti munang nag-cardio workout si Pacquiao para maihanda ang sarili sa madugong training sa ilalim ng kanyang mga kababata na sina Buboy Fernandez at Raides “Nonoy” Neri.
May dalawa at kalahating buwan si Pacquiao para paghandaan ang laban kay Matthysse na tinawag na “Fight of Champions.”
“I am excited to return to the ring once again and face a dangerous champion in a difficult and challenging fight,” sabi ng 39-anyos na si Pacquiao.
“I am inspired as I am also excited to face the champion.”
Dagdag pa ni Pacquiao, kailangan niyang mag-training ng mabuti dahil hindi pipitsuging boxer ang kanyang makakasagupa.
Isang kilalang knockout artist ang kampeon at patunay dito ang naitala niyang 36 KO win sa 39 niyang panalo.
Hindi muna tinodo ni Fernandez ang ensayo kay Pacquiao kahapon at nagsagawa lamang sila ng regular boxing drills at abs workout.
Pero, aniya, titindihan pa niya ang ipapagawa kay Pacquiao habang papalapit ang laban.
Sinasamantala ni Pacquiao ang “recess” ng Senado para makapag-ensayo. Sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo 14 ay mahahati ang oras ni Pacquaio sa training at trabaho sa Senado.
Sa muling pag-recess ng Senado sa Hunyo 1 ay tutungo sa Malaysia ang Team Pacquiao para sa huling yugto ng training.
Siyam na taon na ang nakalipas mula nang huling manalo sa pamamagitan ng knockout si Pacquiao. At sa kanyang huling laban noong isang taon ay naagaw sa kanya ni Jeff Horn ng Australia ang WBO welterweight belt.