WALANG kaduda-duda na Pinoy pa rin ang hanap ng mga foreign employers, ayon mismo kay Labor Attache’ Reydeluz Conferido mula sa Philippine Embassy ng London nang tanungin siya ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer DZIQ 990 AM, kung Pilipino pa rin nga ba ang “most preferred nationality” ng mga dayuhang employer sa ibayong dagat.
Sa haba ng panahon na paninilbihan ng ating mga labor attache sa iba’t-ibang bansa, kabisado na nila ang pulso ng mga foreign employers. Kaya sigurado si Conferido sa kanyang pahayag.
Totoo namang Pinoy pa rin ang nangunguna sa listahan na nais kunin ng mga patrabaho sa abroad.
Kaya nga walang dapat ipag-alala ang ating mga OFWs kung sakaling tuluyan nang hindi magpadala ang pamahalaan ng mga OFWs patungong Kuwait.
Sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, kasabay na ng panawagan ni Pangulong Duterte na umuwi na ang ating mga kababayan mula sa Kuwait, maaaring magpagaan sa kanilang mga damdamin ang mga katagang ito ng labor attache.
Kung pag-aabroad pa rin ang pinipili nilang kabuhayan, at alam nila sa ganang mga sarili ang taglay nilang galing at kakayahan, walang dudang madali rin naman na makalilipat at makahahanap sila ng trabaho sa ibang mga bansa na mas maluwag at mas may kalayaang makagalaw ang isang Pilipino.
Sa totoo, hindi malaking kawalan ang Kuwait sa Pilipinas.
Matagal na nilang pinagmamalupitan ang ating mga kababayan doon. Andiyan natratuhin sila bilang mga hayop na halos ikamatay pa ng mga ito.
Lalong hindi makatao na inilagay sa freezer ang bangkay ng isang Pinay at iniwan sa loob ng freezer ng isang taon.
Ang sunod-sunod na kamatayan ng ating mga kababaihan sa Kuwait sanhi ng pang-aabuso at pananakit ng kanilang mga employer ang siyang nagtulak sa ating pamahalaan na ihinto ang pagpapadala ng Pinoy sa Kuwait.
Andiyan na ni-rescue pa ang isang Pinay mula sa kanyang employer, dahilan kung bakit may tensiyon sa pagitan ng Pinas at Kuwait ngayon.
Bakit may ganito? Wala pa rin kasing nabago sa pagtrato sa ating mga OFW doon.
Kung may nabago, e di sana, wala nang rescue operation na nangyari. Bakit kailangang itakas ang ating kabayan?
Nangangahulugan na iyon lamang ang tanging paraan upang masigurong ligtas at buhay na makalalabas ng tahanan ng amo ang ating OFW. Ngayon umalma ang Kuwait at binira ang mga opisyal ng Pilipinas dahil sa nilabag daw ng mga ito ang kanilang soberanya at pinagmumukha silang halimaw sa international community.
Hindi ba halimaw ang pagpatay, panggagahasa, pananakit at ituring na halos isang bilanggo ang kanilang kasambahay?
Trabaho ang ipinunta ng mga OFW sa Kuwait. Hindi kasama roon na babuyin, balahurain, saktan at patayin sila.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.