Kinilala ang mga pulis na sina Police Officer (PO) 3 Ralph Soriano, ng Northern Police District; PO1 Reniel Soriano, ng Drug Enforcement Group ng Camp Crame; at PO1 Rendel Soriano, ng Caloocan Police Station.
Makikita sa video ang tatlong magkakapatid na Soriano habang kinokompronta ang lalaki na si Ricardo Malaya sa kanyang tirahan.
May mga nakasukbit pang baril sa mga pulis na pawang naka sibilyan.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP spokesperson Chief Supt. John Bulalacao na nag-ugat ito sa away trapiko sa kahabaan ng Mabini st., sa Caloocan City, na kinasangkutan ni Reniel.
Sinabi ni Bulalacao na ipinag-utos na ni Caloocan City Police Chief Senior Supt. Restituto B. Arcangel ang imbestigasyon laban sa mga pulis.
Nahaharap ang tatlong pulis sa mga kasong grave threat, grave oral defamation at alarm and scandal, matapos ang reklamong inihain ni Malaya at kanyang pamilya, ayon kay Bulalacao.
Kakasuhan din ang mga Soriano ng paglabas sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng baril habang hindi nakauniporme.
“[Police Dir. Gen.] Oscar Albayalde reiterated that police officers must always showcase discipline and should conduct themselves properly all the time,” sabi ni Bulalacao.