MALAKING sampal ang pagpatay kay Fr. Mark Ventura, isang paring Katoliko, sa administrasyon ni Pangulong Digong.
Ito na yata ang kauna-unahang pagkakataon na pinatay ang isang pari matapos itong magmisa.
Di man lang binigyan ng mga salarin na makapaghubad si Father Mark ng kanyang sutana.
Paglapastangan ito sa isang relihiyon, ano man ang iyong paniniwala.
The crime is unthinkable in this predominantly Catholic country.
Ang motibo sa pagpatay kay Father Mark ay maaaring may kinalaman sa kanyang pagprotesta sa mga minahan sa probinsiya ng Cagayan, ayon kay Director General Oscar Albayalde, bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Kahit ano pa man ang motibo, kailangang madakip ang utak at mga salarin ng pagpatay kay Father Mark.
Kailangang gamitin ng administrasyon ni Digong ang kapangyarihan ng batas upang mabigyan ng hustisya ang kanyang kamatayan.
***
“Walang krimen na hindi nalulutas kapag trinabaho ng pulis.”
Yan ang palagi kong naririnig sa mga beteranong imbestigador noong ako’y police reporter na nakatalaga sa Western Police District, na ngayon ay Manila Police District.
Ang mga kriminal ay nag-iiwan ng kanilang trademark ‘ika nga sa crime scene.
May katotohanan sa kasabihang, there is no perfect crime.
***
Isa sa mga pinakamagaling na tagapaglutas ng krimen na nakilala ko ay ang dating Lt. Panfilo Lacson ng Metrocom Intelligence and Security Group (MISG).
Police reporter ako ng Times Journal at di kalaunan ng Manila Bulletin nang mag-cover ako sa MISG.
Magaling si Lacson sa kanyang trabaho. Kasama niya noon si Capt. Reynaldo Berroya, ang nakatataas sa kanya sa MISG, at ang kanilang hepe na si Lt. Col. Rolando Abadilla.
Walang krimen na di nalulutas kapag hinawakan ito ng MISG.
Maging kidnapping for ransom man o bank robbery, o murder o burglary, o swindling—lahat ay nalulutas ng MISG.
Isang katangi-tanging krimen na nalutas ng MISG ay ang pagpasok sa bahay ng isang staff ni Defense Secretary Juan Ponce Enrile.
Alam ba ninyo kung paano nalutas ang krimen?
Ang mga magnanakaw ay tumae sa iba’t ibang lugar o sulok ng bahay bago sila umalis.
Ito ay isang trademark ng isang grupo ng mga nanloloob ng mga bahay noong panahong yun.
Alam ba ninyo kung ano ang nangyari sa mga salarin?
Ipinasok ang kanyon ng M-16 sa kanilang mga puwit at pinaputok. At pagkatapos ay itinapon ang kanilang mga bangkay sa ilog na malapit sa kanilang mga tirahan.
Mula noon ay kumonti ang mga akyat bahay sa Metro Manila.
***
Alam ba ninyo na parang cottage industry na ang hired guns sa bansa?
Yung mga pumapatay na riding in tandem sa motorsiklo, ‘ika nga, ay pangkaraniwan na.
Kung tatrabahuin talaga ng PNP at National Bureau of Investigation ang riding in tandem, mawawala ang mga ito.
Alam ng PNP at ng NBI kung sino ang mga miyembro ng sindikato na riding in tandem.
Parang mga pako na kinakailangang pukpukin sila sa ulo upang bumaon sila.