18 college scholar ng Eat Bulaga sa buong Pilipinas graduate na


ISANG taon matapos makuha ang minimithing college diploma, ang mga scholars ng longest running noontime show na Eat Bulaga ay patuloy pa rin sa pagbuo ng kani-kanilang mga pangarap.

Noong 2009, sa ika-30 anibersaryo ng EB, inilunsad ang Eat Bulaga Excellent Student Awards o EBest Awards para tumulong sa mga mahihirap na elementary at high school students mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Maliban sa full scholarship grant, nagbigay din ang show ng monthly allowances at cash assistance. Isa sa mga pinalad na matulungan ng EB ay si Isah Clarisel Lilia, AB Political Science graduate mula sa UP Diliman. Naka-graduate siya last year at ngayo’y first year law student na sa UP.

“Dahil sa programa, naipagpatuloy ko ang aking edukasyon na hindi inaalala kung saan kami kukuha ng tuition fee or allowance,” ani Clarisel.

Tulad ni Clarisel, natanggap din ng Bulacan native na si Angelica Nieva ang kanyang degree last year mula sa Bulacan State University. Naging inspirasyon niya ang EB para kumuha ng kursong AB Mass Communication major in Broadcast Journalism.

“Bago pa ako mabigyan ng scholarship grant, nagkaroon na ako ng interest sa TV production noong nanood kami nang live episode ng Bulaga. Sabi ko sa sarili ko balang araw, magtatrabaho din ako sa ganitong field,” ani Angelica.

Sa ngayon, isang online English teacher si Angelica. Siya na rin ang naging breadwinner ng kanyang pamilya.

Maliban kina Clarisel at Angelica, unti-unti na ring natutupad nina Melvin Dugan ng Taguig at Grace Angela Pocyoy ng Benguet ang kanilang mga pangarap.

Si Melvin, na nagtapos ng cum laude sa Jose Rizal University (Business Administration major in Accounting) ay nagtatrabaho na bilang book keeper sa isang law firm habang si Grace ay parte na ng isang BPO company.

Ngayong taon, ipinagdiriwang din ng Eat Bulaga ang pagtatapos ng 18 EBest college scholars mula Luzon, Visayas at Mindanao. Bawat isang scholar ay nagpakita ng sipag, tiyaga at dedikasyon na maabot ang kanilang mga pangarap.

Ang mga 2018 EBest graduates ay sina Jannelle Ivine Atencio (BS Elementary Education, Polytechnic University of the Philippines), Diana Lou Bautista (BS Secondary Education, Palawan State University), Justine Bulan (BS Information Technology, Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa), Sheryl Calay (BS Secondary Education, Romblon State University), Mark Louie Castaneda (AB Political Science, Araullo University), Jerard Castro (BS Education Major in Math, Central Mindanao University), Kurt Hostallero (BS Secondary Education, Batanes State College), Jason Intano (BS Accountancy, PUP).

Nandiyan din sina Eries Isiderio (BS Education Major in Physical Science, Capiz State University), Marinel Moyo (BS Information Technology, Technological University of the Philippines), Jessica Olevo (AB Communication, Leyte Normal University), Jessa Ortega (BS Information Technology, Bicol University), Aldrin Punzalan (BA Public Administration, Bulacan State University), Edwin Salazar Jr. (BS Education Major in Math, Mindanao State University), Rhea Kristine Santos (BS Accountancy, University of Immaculate Concepcion), Regine Talisayon (BS Nursing, Southern Luzon State University)
Nakatapos din sina Lemuel Butilla (BS Education major in Filipino, Norther Mindanao Colleges), Eries Isderio (BS Education major in Physical Science, Capiz State University), at Zaldy Felisilda (BS Accountancy, University of Bohol) na nakapagtapos na magna cum laude.

Ayon kay Zaldy, ang pagkakapili sa kanya bilang isang EBest scholar ay isang malaking oportunidad na makapagbigay ng mas maayos na buhay para kanyang pamilya.

Para naman kay Lemuel, isang malaking karangalan na makapagbigay ng inspirasyon sa ibang kabataan na gustong makatapos ng kanilang pag-aaral.

Ang EBest Awards ay isa lamang sa mga proyekto ng Eat Bulaga sa halos apat na dekada nito sa telebisyon. Naglunsad din ito ng iba’t ibang proyekto tulad ng EB Classroom Project, Isang Lapis Isang Papel, EB Heroes at ang konstruksyon ng mga AlDub libraries nationwide.

Read more...