Sa isang advisory, inabisuhan ng traffic enforcement unit ng MPD ang publiko na asahan na ang mabigat na trapik sa Morayta, Mendiola, Department of Labor office, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio, at United States Embassy, dahil sa mga pagkilos na isasagawa ng mga raliyista.
Pinayuhan nito ang mga motorista na umiwas sa Mendiola at U.S. Embassy at gumamit ng alternatibong ruta para makaiwas sa trapik.
Kabilang sa mga alternatibong ruta ay ang mga sumusunod.
Mendiola:
Maaaring kumanan sa Bustillos ang mga sasakyang galing sa Legarda.
Maaari namang kumaliwa ang mga sasakyang galing sa P. Casal sa Concepcion Aguila.
Pinapayuhan namang kumaliwa o kumanan sa Rizal Avenue ang mga sasakyan sa eastbound lane ng Claro M. Recto.
US Embassy:
Pinapayuhan namang kumaliwa sa MH Del Pilar ang mga sasakyang galing sa westbound lane ng Kalaw na papunta sa southbound lane ng Roxas Boulevard.
Dapat kumaliwa naman ang mga sasakyang sa Padre Burgos na papunta sa southbound lane ng Roxas Boulevard.
“Actual closing and opening of affected roads will be based on actual traffic condition,” ani nito.
Sinabi ni MPD spokesman Supt. Erwin Margarejo na magpapakalat ang MPD ng 2,000 pulis para sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.
Idinagdag ni Margarejo na inaasahang 8,000 raliyista ang inaasahang lalahok sa mga rali.