Radio anchor sugatan sa pamamaril sa Dumaguete

SUGATAN ang anchorman ng isang istasyon ng radyo sa Dumaguete City, Negros Oriental, nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin, Lunes ng umaga.
Itinakbo sa ospital si Edmund Sistoso, ng DyGB FM Power 91, dahil sa mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-10:30, sa Aldecoa Drive, Brgy. Daro.
Kabababa lang ni Sistoso sa inupahang motorsiklo at magbabayad na sana, nang lapitan at pagbabarilin ng di kilalang tao, ani Tolentin.
Pinaputukan din ng gunman ang gulong ng isang pedicab na unang nagtangkang magdala kay Sistoso sa ospital, ayon naman sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines.
Nag-abang ng iba pang sasakyan ang mga residente para madala ang sugatang mamamahayag sa ospital, ayon sa NUJP.
Nagpapagaling ngayon si Sistoso sa Siliman University Medical Center, ani Tolentin.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang gunman sakay ng itim na motorsiklong minaneho ng di pa rin kilalang tao, aniya pa.

Read more...