ABL crown puntirya ng Alab Pilipinas ngayon

Laro Ngayon
(Stadium 29)
3:30 p.m. Mono Vampire vs Alab Pilipinas
Game One: Alab Pilipinas 143-130 (OT) Mono Vampire
Game Two: Mono Vampire 103-100 Alab Pilipinas
Game Three: Alab Pilipinas 99-93 Mono Vampire

SUSUBUKAN ng Alab Pilipinas na agad tapusin ang kampeonato at mauwi ang pinakauna nitong korona ngayong hapon sa pagsagupa nito sa Mono Vampire ng Thailand sa Game 4 ng 2018 ASEAN Basketball League (ABL) best-of-five titular series sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.

Ganap na alas-3:30 ng hapon (alas-4:30 ng hapon sa Manila) tatangkain ng Alab makuha sa una sa dalawa nitong tsansa na maisara ang serye at tuluyang kumpletuhin ang pagtala ng ilang kasaysayan para sa dalawang taon pa lamang na koponan sa liga na nagawang makapagkampeon.

Una sa kasaysayan ay ang posiblilidad kay Alab Pilipinas coach Jimmy Alapag na agad magkampeon sa una pa lamang nitong paghawak sa isang koponan sa pangrehiyong torneo habang ikatlo itong prangkisa mula sa Pilipinas na nakasungkit ng korona.

“It ain’t over until it’s over,” sabi ni Alapag, na agad nahirapan sa unang paghawak nito ng isang koponan sa liga matapos agad matalo ng tatlong sunod bago kinuha ang serbisyo nina Justin Brownlee at sorpresang kunin ang serbisyo ng dating banned for life sa PBA na si Renaldo Balkman.

Agad na nabago ang hangin matapos sunud-sunod na nagpanalo ang koponan upang tumapos na ikatlong puwesto sa eliminasyon bago pinatalsik ang nagtatanggol na kampeong Hong Kong Eastern sa semifinals upang makaharap sa pangkampeonatong serye ang Mono Vampire.

Kailangan na lamang ngayon ng Alab Pilipinas na masungkit ang ikatlong panalo na maglalagay dito sa kasaysayan bilang ikatlong koponan mula sa Pilipinas na inuwi ang korona matapos unang magwagi ang Philippine Patriots sa pinakaunang edisyon noong 2010 at ang San Miguel Beer noong 2013.

Inaasahang gagawa muli ng paraan si Bobby Ray Parks Jr., na nagtala ng kasaysayan sa ginawang Most Finals points made by a local player, upang masundan ang kanyang itinala na 30 puntos dagdag ang 5 rebound, 2 assist at 2 steal katulong ang mga world import na sina Brownlee at Balkman.

Nagdagdag si Brownlee ng 27 puntos, 12 rebound, 7 assist at 1 block habang tumulong si Balkman sa 24 puntos, 16 rebound, 7 assist, 4 steal at 2 block sa paglapit sa Alab sa korona sa paghugot ng 99-93 panalo sa Game Three.

“You talk about Balk, you talk about Justin, you’re talking about two absolute winners both on and off the court,” sabi ni Alapag patungkol sa kanyang dalawang import.

Read more...