Ika-2 diretsong panalo asinta ng Meralco Bolts

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs GlobalPort
7 p.m. Alaska vs Rain or Shine

IKALAWANG sunod na panalo at solong liderato ang tatangkaing masungkit ng Meralco Bolts sa pagsagupa nito sa GlobalPort Batang Pier habang agawan sa unang panalo ang Alaska Aces at Rain or Shine Elasto Painters sa 2018 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sasagupain ng Bolts alas-4:30 ng hapon ang Batang Pier na pilit aahon sa nalasap na unang kabiguan habang pag-aagawan ng Aces at Elasto Painters ang unang panalo sa alas-7 ng gabi.

Sinandigan ng Bolts ang import nito na si Arinze Onuaku na kinolekta ang 30 puntos, 19 rebound at 6 assist upang agad palasapin ng kabiguan ang Columbian Dyip, 116-103, noong Miyerkules ng gabi upang sumalo sa liderato kasama ang TNT KaTropa at Phoenix Fuelmasters.

Huli naman natikman ng Batang Pier ang 128-114 kabiguan sa nakatapat na KaTropa kahit na nakakuha ito ng 27 puntos, 12 rebound at 3 assist sa import na si Malcolm White at sa beterano nitong si Sean Anthony na nagtala ng 34 puntos, 10 rebound at 5 assist.

Samantala, ipaparada ng Aces ang bagong salta sa liga na 23-anyos na si Antonio Campbell na may taas na 6-foot-9 at may bigat na 120 kilograms na naglaro sa Holy Cross (Covington, Kentucky) sa high school at katatapos lamang sa kolehiyo noong nakaraang taon sa Ohio Bobcats.

Si Campbell, na naging MAC Player of the Year noong 2016, ay hindi nakuha noong 2017 NBA Draft at nagdesisyon na maglaro na lamang sa Lakeland Magic sa NBA G League hanggang Enero 2018 kung saan nagtala ito sa 20 laro ng average na 6.3 puntos, 4.6 rebound at 0.7 block sa 15.9 minutong paglalaro.

Aasa naman ang Elasto Painters sa 28-anyos at 6-foot-10 na si Reginald Johnson na naglaro ng college basketball para sa Miami Hurricanes. Naglaro rin ito noong 2015 para sa Malaysian team na Westports Malaysia Dragons sa ASEAN Basketball League at Mono Vampire Basketball Club sa Thailand Basketball League.

Read more...