Tamang road signs tulong sa road discipline

MARAMING nagtatanong sa akin kung bakit ang Pilipino na narito sa bansa ay parang walang disiplina sa lansangan.

Hindi marunong sumunod sa linya, laging tagilid ang puwesto sa lansangan, mahilig sumingit lalo na pag malapit na ang lilikuan.

Pero kapag nasa ibang bansa naman o kaya sa mga lugar tulad ng Subic ay maayos sila at sumusunod sa batas trapiko. Doon meron silang disiplina.

Matagal ko na yan napapansin at pinag-aaralan, hindi lang pag narito ako sa bansa kundi pag nasa abroad din ako.

Sinilip ko kung ano nga ba ang meron at wala sa atin kumpara sa mga disiplinadong bansang pinupuntahan ng Pilipino.

Ang una kong napansin ay ang tamang pagpapatupad ng batas. Hindi na ito bago sa pandinig dahil palagian na rin itong bukambibig ng mga opisyal at ordinaryong mamamayan.

Ang pinakamalaking kaibahan sa lansangan natin at sa ibang bansa, sa aking pananaw ay ang naglalakihang mga roadsigns na nagsasabi sa mga motorista kung ano ang dapat nilang gawin, saan sila dapat lumugar, at kung kilan nila ito dapat simulan.

Ang mga road signs na ito ay sinlaki ng mga billboard na makikita mo sa EDSA, pero imbes na mga halos hubad na model na nagbebenta ng kung ano-anong mga produkto, ay mga directional signs ang nakalagay dito.

Silipin ninyo ang mga road signs sa America, i-Google na lang ninyo. Malaki pa sa kotse at truck ang mga road signs na ito na nagsasabi kung para saan ang linya sa highway nila.

Importante ito. Dahil kung maaalala ninyo, ang ating elementary schools ay puno ng ganitong mga directional signs dahil ayon sa pagaaral, mas madali sumunod ang mga bata sa direksiyon kung visually nilang nararanasan ito.

Ganon din naman sa mga may edad na at nagpapatakbo ng sasakyan.

Ito rin ang solidong basehan ng isang traffic enforcer kapag sinita niya ang isang traffic offender, may nakasulat na direksiyon na pag nilabag ay consciously nilang alam na mali sila.

Pero sa atin, mas madami ang billboards, sobrang liit ng mga traffic signs, at madalas ay wala ito.

Ang dahilan? Sabi ng isang barkada natin sa loob ng DPWH, ito ang isa sa pinakamalaking pinagkakakuwartahan ng mga opisyal doon. Hindi pansinin, malaki ang budget at walang nagrereklamo o nasasaktan.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...