MARAHIL para kay Alaska Milk coach Tim Cone, ang milagro ay hindi hinihintay na dumating kundi ginagawa!
Isang klasikong halimbawa ang naganap sa laro ng Aces at Talk ‘N Text noong Miyerkules kung saan nagwagi ang Alaska Milk sa overtime, 119-113. Kumbaga sa larong chess, ito ang tinatawag na “brilliance.”
Nagmistulang super grandmaster si Cone na mabilis nakapag-isip sa huling isang segundo ng regulation period matapos na magkaroon ng jumball situation sa pagitan nina Joaquim Thoss at Ali Peek sa midcourt.
Sa yugtong iyon ay lamang ng dalawang puntos ang Tropang Texters, 108-106.
Aba’y kahit sino sigurong henyo sa basketball ay iisiping panalo na ang Talk ‘N Text.
Wala nang dapat gawin ang Tropang Texters kundi tapikin ang bola o di kaya’y makipag-gitgitan sa puwes-tuhan para kahit na makuha ng Aces ang tip sa jumpball, mauubos na ang nalalabing oras. Tapos na ang game at panalo na ang Talk ‘N Text.
Ganoon kasimple, hindi ba?
Pero mas henyo si Cone at ang kanyang mga Aces.
Kamukat-mukatan mong tinapik ni Thoss ang bola patalikod papunta kay Tony Dela Cruz na dagling tumawag ng timeout may kalahating segundo ang nalalabi.
‘Yun ang kalahati sa milagro. O pwede ring kalahati sa pagpapabaya ng Tropang Texters.
Sa timeout ay nagdisenyo ng play si Cone kung saan makakaiskor sila sa pamamagitan ng isang alley-oop inbound. Kasi, ang ganitong klaseng tira na lang ang pusibleng i-count ng referees sa loob ng kalahating segundo. Catch-and-shoot na lang ang pag-asa ng Aces. Hindi na nila puwedeng i-dribble ang bola. Hindi na puwedeng umasinta.
Isipin n’yo ‘yun! Ito na lang ang babantayan ng Tropang Texters, hindi pa nila nagawang pigilan ang Aces!
E, paano naman kasi inaasahan ng Talk ‘N Text na kay Willie Miller ipapasa ang bola at ito ang titira. Kasi nga, si Miller ang take-charge guy ng Alaska Milk. Ilang beses na niyang naipanalo ang Aces sa pamamagitan ng last second shot.
Siyempre, batid ni Cone na si Miller ang babantayan ng kalaban. So, ibang play ang dinisenyo niya.
Si LA Tenorio, na siyang pinakamaliit na manlalaro na nasa hardcourt, ang siyang tumanggap ng alley-oop inbound buhat kay dela Cruz at nagbuslo ng game-tying basket para sa overtime.
Kumbaga’y nilansi nang tuluyan ni Cone ang kanyang Talk ‘N Text counterpart na si coach Vincent “Chot” Reyes.
Iyon ang kabuuan ng milagro. O ang kabuuan ng pagpapabaya ng Tropang Texters!
At gaya nga ng nasabi natin, ang milagro’y hindi hinihintay na mangyari.
Ito’y ginagawa.
At ang hindi marunong gumawa nito’y nananatiling nakatunganga!
Isa kang henyo, Tim Cone!
Barry Pascua
BANDERA Sports, 121809