Boy Abunda ‘susi’ sa pagbongga ng career ni LA Santos; hahataw sa #Petmalu concert


MAGKAHALONG kaba at excitement ang nararamdaman ng tinaguriang The Singing Idol na si LA Santos sa kanyang unang major concert, ang “#Petmalu.”

Sasabak na sa bagong challenge ang bagets singer sa April 30 para sa “#Petmalu” na gaganapin sa Music Museum, 8 p.m..
“Excited po ako dahil first major solo concert ko ito, may halong kaba rin po siyempre, hindi po siguro talaga mawawala iyon,” ani LA na isa ring Grade 11 student sa University of Sto. Tomas.

Makakasama ng binata sa concert bilang special guests sina Jaya, Ian Veneracion, Jona, Michael Pangilinan, Imelda Papin, Claire dela Fuente, Eva Eugenio at Boobsie Wonderland with the special participation of her sister Kanishia Santos.

“Kaya sana abangan po nila, marami pong pasabog sa concert, may production number kami ng mga guest ko at magdu-duet din po kami ng sister kong si Kanishia,” pahayag ni LA sa nakaraang presscon ng #Petmalu.

Nabanggit pa ng talentadong binata na excited siya dahil papasok na rin sa music industry ang kanyang magandang kapatid na si Kanishia, “Opo siyempre, very excited for her. I’ll suport her all the way.”

Anong feeling na unti-unti nang natutupad ang kanyang pangarap na makilala sa entertainment industry? “Masaya, sobra po pero hindi pa ako satisfied, paulit-ulit kong sinasabi po iyon. Ayaw ko po kasing ma-satisfied, naniniwala kasi ako na marami pang mangyayari sa career ko, kumbaga po ay umpisa pa lang ito. Kaya talagang work hard lang ang gagawin ko.

“Gusto ko pong ituloy-tuloy lang, at talagang pagsisikapan at paghihirapan ko po para maabot ko yung dreams ko,” aniya pa.

q q q

Bakit sinugalan ni Joed si LA tulad ng ginawa niya noon kina Vice Ganda, Alex Gonzaga, Pokwang, Ate Gay at Boobsie Wonderland? Siya na rin kasi ang tumatayong manager ng singer-actor.

Ayon sa kanya, nagkaroon siya ng interes sa bagets nang nakausap niya si Boy Abunda.

“Tito Boy told me about LA, sabi niya sa akin, ‘Please look at LA’s video sa YouTube and then tingnan mo, napaka-special ng batang iyan.’ So, I saw the video ‘Tinamaan’, hindi pa ako roon agad-agad na-convince. But up until, eto swear to God, nakita ko iyong video ng version niya ni Moira na ‘Titibo-Tibo’ and from there, doon ko naintindihan ang sinasabi ni Tito Boy.

“Tapos nalaman ko nga iyong passion niya sa pagkanta, iyong pangarap niyang maging singer at artista. Naalala ko iyong sarili ko noon, it reminded me na hindi lahat ng gustong mag-artista o kumanta ay mahihirap, hindi lahat gusto yung katulad namin na gustong mag-perform sa magulang, hindi ganoon.

“Mayroon din namang iba na gusto lang talagang ma-fulfill yung mga pangarap nila sa buhay. Dumaan ako roon eh, sa pag-aantay. I’m sure karamihan sa inyo alam iyan,” paliwanang pa ng dating actor.

Ang #Petmalu ay hatid ng J.E.D.I. (Joed Entertainment Department Inc.) ni Joed Serrano at ng Dream Wings Production. Ang musical director nito ay si Iean Iñigo. This is for the benefit of Cherish Life Foundation.

For ticket inquiries call Ticketworld (891-9999).

Para sa lahat ng hindi pa nakakaalam, sobrang inspiring ng kuwento ng buhay at career ni LA. Sa kabila ng pagkakaroon niya noon ng Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) ay nagawa pa rin niyang maabot ang kanyang mga pangarap.

“Thankful ako kay Lord, very thankful to my mom at sa lahat ng tumutulong sa akin. Hindi ko kakayanin na gawin mag-isa ito. Kaya no words can explain how much I’m feeling grateful,” aniya.

Dagdag pa niya, “Gusto ko sa part ko na maging inspiration sa mga tao. Kasi usually ang iba maggi-give up, parang di nila ginagawan ng paraan. Gusto ko maging image para sa kanila na walang imposible kapag malakas ang faith mo.”

Read more...