ANG kotse ko ay nakuha ko nang bago noong 2015, pero hanggang ngayon ay wala pa itong plate number.
Maraming naging dahilan ang nakaraang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communication (DOTC) ukol sa isyung ito.
Naroong walang sapat na materyales ang kumpanya na nakomisyon ng kanilang sub-contractor.
Ginamit din nilang dahilan ang pag-kumpiska ng Customs sa mga plates na dapat ay gagamitin sa plaka.
Nandun din ang dahilan na sa ibang bansa pa ginagawa ito.
Pero sa kalaunan ay nadiskubre rin na isang malaking raket ang naganap sa pagbibigay ng kontrata ng mga plate number ng kotse sa isang kumpanya sa ibayong dagat. Kontratang hawak na ng lokal na kumpanya at wala namang naging sabit.
Pero siguro naman ay meron nang liwanag na matatanaw ang mga kababayan nating motorista na ilang taon nang naghihintay ng plaka nilang sa simula pa lang ay bayad naman na.
Nitong nakaraang Martes ay inanunsiyo ng Department of Transportation na magsisimula na silang mag-print ng mga plate numbers ng kotse para sa mga kotseng nagrehistro noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Ang mga makina ay ipinakita na nila Transport Secretary Arthur Tugade kasama si Asec Mark De Leon at LTO Chief Edgar Galvante sa isang inagurasyon sa LTO Office sa East Avenue, ang main office ng LTO.
Itong bagong dating na pasilidad para sa plate numbers ay magbabahay ng pitong manual embossing machines na magbibigay ng kakayahan sa pamahalaan na sila na mismo ang mag-plato ng plate numbers.
Ayon sa pinadalang briefing sa atin, ang mga makinang ito ay kayang mag-imprenta ng umaabot sa 22,000 plate numbers kada araw. Sapat na siguro para sa mapunuan sa darating na kalahating taon ang mahigit sa isang milyong sasakyan na hindi pa nabibigyan nga plaka.
Bukod diyan, may darating pang automated embossing machines sa Hulyo upang suportahan ang manual machines. Kaya din nitong mag-imprenta ng 12,000 plates kada araw.
Ano naman ang importansya ng mga plakang ito, matanong ninyo, e nabuhay nga ang mga motorista ng walang plaka sa nakaraang dalawang taon mahigit.
Una, bayad na natin ito kaya dapat na ibigay na. Ikalawa, kailangang mayroong tamang pagkakilanlan ang lahat ng sasakyan sa kalsada upang matukoy ito kung may anumang mangyari. At ikatlo at pinaka-importante, responsibilidad ito ng pamahalaan na sa matagal na panahon ay ipinagkibit-balikat lang ng mga dating pinuno sa di maintindihang dahilan.
Ang panawagan ko lang, sana gamitin ng maayos ang mga makina at kagamitang ito para naman makinabang ang taumbayan na pinanggalingan na naman ng perang pinabili dito.
Kasi diyan sa LTO ay may ugali sila na pag nakakita ng bagong pagkakaperahan, nakakalimutan nila na may gamit na puwedeng gamitin ng hindi nilulustay ang pera ng bayan.
Para sa inyong komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.