Lacson ibinunyag ang scam sa mamimigay ng ID sa Boracay

SINABI ni Sen. Panfilo Lacson na dapat papanagutin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga opisyal ng barangay sa Boracay na nanghihingi umano ng pera sa mga lokal na establisimento kapalit ng mga ID para sa mga hindi residente ng lugar.

Nadiskubre ni Lacson ang anomalya nang bisitahin ang Boracay noong isang linggo, ilang araw bago ang nakatakdang anim na buwang pagsasara ng isla sa Abril 26.

“Ang hiningi raw P400,000 para mabigyan ng IDs ‘yung kanyang mga empleyado,” sabi ni Lacson sa panayam sa dzBB.
“‘Di ba no ID, no entry? So ito na ‘yung hinahanap-buhay ‘dun ng nga opisyal. Malaki. Raket ‘yun. Sinamantala nila ‘yung order ni Presidente na wala makakapasok dun kundi resident,” dagdag Lacson.

Nanawagan din si Lacson sa Senado na isama ang isyu sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng Boracay.

“Trabaho ng DILG na mag-counter intelligence dun at kung kinakailangan magsagawa sila ng entrapment operations,” sabi ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na maaaring magamit ng mga opisyal ang perang nakolekta para sa kampanya sa paparating na Mayo 14 barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Ipinag-utos ng DILG sa mga barangay na mag-isyu ng ID. Simula Abril 26, tanging mga residente at manggagawa na may ID ang papayagang makapasok sa isla.

Nagkakahalaga ang ID ng P100 para sa renewal at PP200 para sa mga bagong aplikante.

Read more...