Grab drivers ipinapa-cancel sa pasahero ang biyahe?

Dapat din umanong imbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang Grab kung saan ipinapakansela ng driver ang biyahe sa pasahero.
Ayon kay PBA Rep. Koko Nograles mayroong mga insidente na tinatawagan o tinitext ng driver ng Grab ang pasahero upang sabihin na ikansel na lang nito ang biyahe.
Ayaw umano ng driver na sila ang magkansela dahil mawawalan sila ng incentive.
“Kasi ang sistema sa loob ng grab sa pagkakaalam ko no, kung ang driver ay mag cancel masisira po yong internal point system nila. At pag masira ang internal point system ng driver, hindi na sila makaka-avail ng incentives ng grab kaya ayaw ng drive na mag cancel maski na sila yong talagang gustong mag cancel,” ani Nograles sa panayam sa radyo.
Sinabi ni Nograles na maituturing itong pagtanggi sa pasahero na ipinagbabawal ng LTFRB.
Noong 2015, sinabi ni Nograles na pinatanggalan ng LTFRB ng kakayanan ang driver na malaman kung saan pupunta ang pasahero at kung magkano ang ibabayad nito.
“Naniniwala po yong LTFRB na yong driver kung alam yong destination at saka yong cost ng trip, mataas yong urge to refuse to convey the passenger. So yon po yong order since 2015. So magta-tatlong taon na po yan. Hanggang ngayon hindi yan sinusunod ng Grab,” ani Nograles.
Bukod dito ay hinahabol ni Nograles ang Grab dahil sa paniningil nito ng P2 kada minuto ng biyahe na hindi umano nito ipinaalam sa LTFRB.

Read more...