Polisiya sa kinder nilinaw ng DepEd

Nilinaw ng Department of Education ang polisiya nito kaugnay ng pagtanggap ng mga bata sa kindergarten.
Ayon sa Amendment to the Omnibus Policy on Kindergarten Education (DepEd order 47 series of 2016), ang mga bata na limang taong gulang na pagsapit ng Hunyo 1 ay dapat tanggapin sa kindergarten.
Ang mga bata na maglilimang taon sa Agosto ay maaaring ikonsidera ng paaralan kung makatutugon sa Philippine Early Childhood Development checklist bago ang pagsisimula ng pasukan.
Iginiit ng DepEd na ang cut-off age ay ipinatutupad hindi lamang sa pampublikong paaralan kundi maging sa pribado.
“We are issuing this amended enrollment procedure to address the concern of parents while ensuring that our Kindergarten learners are holistically prepared to face the expectations of the grade level,” ani Education Sec. Leonor Briones sa isang pahayag.
Para sa mga pribadong eskuwelahan na magbubukas ng klase ng Hulyo, ang tatanggapin nilang kindergarten ay dapat limang taon na sa Hulyo 1 at maaaring ikonsidera ang mga maglilimang taon sa Setyembre.
Kung Agosto magbubukas ang klase ang kindergarten na tatanggapin ay dapat limang taon sa Agosto 1 at maaaring ikonsidera ang mga maglilimang taon sa Oktobre.
Ayon sa ahensya ang kindergarten curriculum ay ginawa upang tumugon sa holistic developmental needs ng limang taong gulang kabilang ang socio-emotional, values, physical health, creative, mathematics, language, literacy, at communication development.

Read more...