Bagon na binili ng Aquino government magagamit kaya?

NATAPOS na ng Department of Transportation (DOTr) ang weight testing ng mga Dalian train na isa sa pagbabasehan kung magagamit ang mga bagong bagon ng Metro Rail Transit3 (MRT3) na binili ng nakaraang administrasyon.

 Ang pagtitimbang ay bahagi ng auditing na isinasagawa ng TUV Rheinland na kinuha ng DoTr.

Ang mga bagon ay nilagyan ng 1,464 sandbag na mayroong bigat na 17.5 kilo bawat isa na siyang representasyon ng mga sasakay na pasahero. Ang bawat bagon ay nakapagsasakay ng 394 pasahero. Ang bawat tren ay mayroong tatlong bagon.

“Iyong weight-testing ngayon is part of a broader auditing and acceptance process. Different factors kasi ‘yung pumapasok sa tanong na kung acceptable ba siya or hindi,” ani DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan.

Noong Enero nagsimula ang audit ng Dalian train na mayroong 48 bagon.

Inirekomenda ng TUV Rheinland na muling timbangan ang mga bagon dahil nang timbangan ito sa China noong 2015 ay walang representasyon ang DoTr.

Inaasahan na matatapos ang audit sa susunod na isa hanggang dalawang linggo.

Naging madalas ang pagkaaberya ng mga tren ng MRT dahil sa kalumaan nito. Tumakbo ang mga tren ng MRT noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Read more...