4 patay matapos mahulog ang isang van sa bangin sa Benguet 

PATAY ang apat na katao matapos mahulog ang isang van na papuntang Quezon sa bangin sa bayan ng Bokod, Benguet noong Huwebes ng gabi, ayon sa pulisya.

Wala nang buhay ang mga pasaherong sina Antonio Bulay, Alipio Bulay, at Julie Valencia, pawang taga bayan ng Alilem, Ilocos Sur, nang dumating ang mga rescuer sa ilalim ng bangin  sa Sitio Guisset, Barangay Binga.

Dead on arrival naman sa isang ospital si Gemma  Lorenzo, 28, na taga bayan ng Itogon, Benguet.

Inoobserbahan naman ng mga doktor ang kondisyon ng iba pang pasahero na sina Corazon Bulay at Nelly Joy Soriano.

Naghihintay naman ang anim na iba pa, kabilang ang driver na payagang makalabas ng ospital matapos magtamo ng mga bahagyang pinsala.

Sinabi ng isa sa mga pasahero na nawalan ng kontrol ang driver matapos masira ang brake ng van.

Hindi naman isinapubliko ang pangalan ng driver at iba pang mga pasahero.

May kabuuang 11 pasahero ang sakay ng van nang mangyari ang aksidente.

Magkakamag-anak ang sakay ng van na papunta sana sa isang kasalan at reunion.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng pangyayari.

Read more...