P1B ‘hot money’ naharang

HALOS P1 bilyong “hot money,” kasama ang P52 milyon cash na nakuha ng mga sundalo sa Marawi City kung saan nakipagbakbakan ang Maute group at Abu Sayyaf, ang naharang ng Anti-Money Laundering Council.
Ayon sa Operational Highlights na isinumite ng AMLC sa Commission on Audit, noong 2017 ay nakarekober at naharang nito ang kabuuang P901.816 milyong pera mula sa illegal drugs operation, terrorismo at iba pang iligal na aktibidad.
Noong 2017 ay umakyat sa P8.165 bilyon ang kabuuang naharang na pera ng AMLC, mas mataas kumpara sa P7.263 bilyon kabuuang nakumpiska noong 2016.
Ang mga perang nakumpiska noong 2017 ay umabot sa P911.87 milyon mas mataas kumpara sa P877.941 milyon noong 2016. Kasama rito ang P19.214 milyon na kinumpiska subalit hindi pa natatapos ang kaso.
Ibinalik naman ng AMLC ang may P98.965 milyon sa mga account holder na hinarang ng AMLC sa paniwala na iligal ang pinanggalingan nito.
Noong 2017 ay nagpalabas ang AMLC ng Resolution Nos. TF-09 at TF-10 sa ilalim ng Maute Case 2017 upang hindi magalaw ang mga bank account ng mga may kinalaman sa teroristang grupo. — Leifbilly Begas

Read more...