HANGGANG ngayon ay nagtataka ang fans ni Sofia Andres kung bakit pinatay agad ang karakter niya sa ABS-CBN Primetime Bida series na Bagani.
Ang akala nila ay babalik din si Mayari tulad ng karakter ni Liza Soberano bilang si Ganda na namatay pero nabuhay uli sa mundong tinatawag na Sa Dako Pa Roon.
Mas lalo pang nalungkot ang supporters ni Sofia nang makitang wala na sa mga bagong promo materials ng top-rating fantaserye ng Kapamilya Network ang litrato at pangalan ng dalaga. Ang naroon na lang ay sina Liza, Enrique Gil, Matteo Guidicelli at Makisig Morales, bilang tagapagligtas ng Sansinukob.
Pero kung merong nawalan na ng pag-asa sa posibleng pagbabalik ni Sofia sa Bagani, may mga netizens naman ang nagsabi na baka may pinaplanong malaking pasabog ang Star Creatives para kay Sofia.